CREAMLINE SA FINALS

SUPALPAL kay Jema Galanza ng Creamline ang palo ni Aby Maraño ng Chery Tiggo sa kanilang laro sa PVL All-Filipino Conference semifinals kahapon. PVL PHOTO

NAITALA ng Creamline ang ikalawang sunod na panalo sa Premier Volleyball League All-Filipino semifinals upang umabante sa Finals matapos ang 25-16, 25-21, 25-20 pagwalis sa Chery Tiggo kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Humataw si Tots Carlos ng 3 blocks at 2 service aces upang tumapos na may 16 points habang si Alyssa Valdez ang isa pang Cool Smasher sa twin digits na may 10 points.

Naiganti ng Cool Smashers ang straight-set loss sa Crossovers sa preliminaries sa Santa Rosa Multipurpose Sports Complex sa Laguna.

Ang pinaka­matagumpay na PVL club na may 7 titles, ito ang ika-7 sunod na appearance ng Creamline sa All-Filipino Finals.

Bilang fourth-ranked team matapos ang preliminaries, ang Cool Smashers ay natalo ng dalawang sunod bago naibalik ang porma upang sumampa sa pinakamalaking entablado ng liga.

Makaraang yumuko sa also-ran PLDT sa preliminaries, ang Creamline ay natalo sa Choco Mucho sa limang sets, kung saan nagtungo si Carlos sa KOVO (South Korea pro league) para mag-try out subalit hindi na-draft.

Sa pagbabalik ni Carlos, ang four-set conquest sa PetroGazz noong nakaraang Huwebes ay nagbigay ng buhay sa conference ng Creamline.

Ang Chery Tiggo, ranked second sa prelims, ay winless sa tatlong semis matches.

Nagposte si Eya Laure ng 8 points, 8 digs at 7receptions, umiskor din si Aby Maraño ng 8 points habang bumanat si Mylene Paat ng 7 kills para sa Crossovers.