Mga laro ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)
3 p.m. – Gerflor vs Nxled
5 p.m. – PLDT vs Cignal
7 p.m. – Choco Mucho vs Creamline
UMAASA ang Creamline at Choco Mucho, ang pinakamalaking fan bases ng Premier Volleyball League, na magkaroon ng winning start sa Second All-Filipino Conference ngayong Linggo sa Araneta Coliseum.
Asam ng Cool Smashers na malusutan ang massive Flying Titans followers na pupuno sa Big Dome sa alas-7 ng gabi.
“Everytime we face Choco Mucho, our main concern is the crowd, sobrang dami. But we’re ready,” sabi ni Creamline coach Sherwin Meneses.
Ito ang unang pag- kakataon na makakaharap ng star-studded Cool Smashers ang Flying Titans magmula ng magwagi ang defending champions sa straight sets noong Valentine’s Day.
Pinalakas ng Choco Mucho ang kanilang roster, kung saan makakasagupa ni energetic Sisi Rondina ang Creamline sa unang pagkakataon sa pro league. Magkukrus din ang landas ni Rondina at ng kanyang beach volleyball buddy na si Bernadeth Pons sa taraflex floor.
Bubuksan ng Gerflor at Nxled ang hostilities sa alas-3 ng hapon habang magsasalpukan ang PLDT at Cignal sa alas-5 ng hapon. Batid nina Meneses at counterpart Dante Alisunurin ng Flying Titans ang kahalagahan ng unang laro para sa kanikanilang title aspirations.
“Mas iniintindi namin ang first game kasi team check namin ‘yun,” sabi ni Meneses. “Yung kalaban kasi, kahit sino naman, lumalaban talaga.
‘Yung first game napakaimportante sa team kasi dito namin makikita kung nag-improve ‘yung skills at ‘yung buong team.”
Inamin ni Alinsunurin na mas pressured sila na makaharap ang Cool Smashers subalit nakahanda ang kanyang tropa.
“Me konting pressure kasi siempre, defending champion yan. Pero sabi ko nga sa mga players ko, medyo malayo na ang narating namin, basta continue lang kung ano ‘yung mga dapat gawin, adjustment sa laro.
Sigurado may malaking chance kami na manalo sa first game,” wika ni Alinsunurin, na kinuha ang coaching chores para sa Choco Mucho sa pagsisimula ng season.
Ang Creamline ay maglalaro na wala si ace playmaker Jia De Guzman, na nasa top-tier Japan V.League club Denso Airybees na ngayon.
Subalit nariyan pa rin ang troika nina Tots Carlos, Jema Galanza at Alyssa Valdez.
Inaasahang si Kyle Negrito ang magiging starting setter ng Creamline, habang gaganap si Mafe Galanza, ang nakababatang kapatid ni Jema, bilang back-up playmaker.