CREAMLINE VS KINGWHALE SA PVL FINALS SELYADO NA

Standings W L
*KingWhale 3 0
*Creamline 3 1
PLDT 2 2
Cignal 1 2
Army 0 4
*finalist

Laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
4 p.m. – KingWhale vs Cignal

NALUSUTAN ng KingWhale ng Chinese-Taipei ang isa pang five-setter nang pataubin ang early finalist Creamline, 25-15, 17-25, 25-22, 24-26, 15-5, upang manatiling walanh talo sa semifinals ng Premier Volleyball League Invitational Conference kagabi sa Filoil EcoOil Centre.

Nakopo ng Taiwanese club ang nalalabing Finals berth at muling makakaharap ang Cool Smashers — sa pagkakataong ito para sa gold medal bukas, alas-5:30 ng hapon, sa Mall of Asia Arena.

Sa pagkatalo ng Creamline ay nasibak ang PLDT, na umaasa sa three-way tie sa 2-2 sa KingWhale at Cignal upang kunin ang championship berth via tiebreak.

Sa halip, ang High Speed Hitters ay bumagsak sa bronze medal match kontra HD Spikers.

Makakaharap ng KingWhale, 3-0, ang sibak nang Cignal sa final day ng semifinals ngayong alas-4 ng hapon sa San Juan arena.

Sa kabila ng pagkatalo, ang Cool Smashers (3-1), bilang best local team, ay sigurado nang kakatawanin ang bansa sa AVC Cup for Women ngayong buwan.

“Creamline is a great team in the Philippines,” sabi ni KingWhale coach Teng Yen-Min.

Nanguna si Brazilian opposite spiker Beatriz Flavio de Carvalho para sa mga bisita na may 24 points at 7 receptions habang nag-ambag si Chen Li-Jun ng 17 points.

Pinangunahan naman ni Tots Carlos ang Creamline na may 15 points habang kumana si Michelle Gumabao ng 2 blocks para sa 11-point outing.

Natapilok si Alyssa Valdez sa third set kung saan abante ang KingWhale sa 23-21, at hindi na bumalik pa sa laro. Umiskor din siya ng 11 points.