CREAMLINE VS KURASHIKI SA FINALS

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
4 p.m. – F2 Logistics vs Kinh Bac Bac Ninh
6:30 p.m. – Kurashiki vs Creamline

NAISAAYOS ng Kurashiki ng Japan ang championship showdown sa Creamline sa pamamagitan ng 25-15, 23-25, 25-14, 25-23 panalo kontra PLDT sa Premier Volleyball League Invitational Conference semifinals kahapon sa Philsports Arena.

Nakopo ng Ablaze ang isang puwesto sa one-match final makaraang magwagi sa third set, at sa huli ay sinibak ang High Speed Hitters.

Naglaro na may pride, ang PLDT ay matikas na nakihamok sa fourth set hanggang itala ni Hiraoke Akane ang match-clinching kill para sa Kurashiki.

Pinuri ni coach Hideo Suzuki ang High Speed Hitters sa pagbibigay sa kanila ng magandang laban.
“Malakas rin talaga ang PLDT, kaya inisip ko na baka matalo. Pero maganda at nanalo kami,” sabi ni Suzuki sa pamamagitan ng isang interpreter.

Umangat ang Ablaze sa 4-0 record, katabla ang Cool Smashers sa unang puwesto.

Isang third-tier Japanese club, ang Kurashiki at ang Creamline, isang six-time PVL champion, ay magsasagupa sa preview ng finals sa Linggo ngayong alas-6:30 ng gabi.

“We will just do our best,” ani Suzuki.

Kumana si Tamaru Asaka ng 28-of-55 attacks at 2 blocks upang tumapos na may 30 points habang nagtala rin si Tanabe Saki ng 2 blocks para sa15-point outing at nakakolekta ng 12 digs para sa Ablaze, na naglalaro sa ika-4 na pagkakataon sa huling anim na araw.

“Wala kaming experience na tuloy-tuloy na games kaya medyo pagod pa at maputol ang concentration. Pero maganda ang experience namin in this tournament,” sabi ni Asaka.

Gumawa si Ohshima Kyoka, ang solid setter ng Kurashiki, ng 19 excellent sets at naitala ang dalawa sa kanyang 7 points mula sa blocks.

Nanguna si Royse Tubino para sa High Speed Hitters na may 23 points at 10 digs, habang nagdagdag si Fiola Ceballos ng 15 points, kabilang ang 2, service aces, at 17 receptions. Nakalikom si libero Kath Arado ng 35 digs at 16 receptions.