Mga laro sa Linggo:
(Mall of Asia Arena)
4 p.m. – F2 Logistics vs PLDT (3rd Place)
6:30 p.m. – Creamline vs PetroGazz (Finals)
NAISAAYOS ng PetroGazz ang championship duel sa Creamline kasunod ng 25-17, 25-23, 25-15 panalo kontra PLDT sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference semifinals decider kagabi sa Mall of Asia Arena.
Magpapatuloy ang rivalry sa pagitan ng Angels at ng Cool Smashers, na magtatagpo sa pinakamalaking entablado para sa ika-4 na pagkakataon magmula noong 2019.
Nakatakda ang Game 1 ng best-of-three Finals series sa Linggo, alas-6:30 ng gabi sa parehong Pasay venue.
Namayani ang Creamline, na umabante sa title round sa kabila ng pagkawala ni superstar Alyssa Valdez, kontra PetroGazz, 25-18, 25-20, 25-22, sa opening day.
Nanguna si MJ Phillips para sa Angels na may 15 points, kabilang ang 4 blocks, gumawa si Jonah Sabete ng 13 points at 6 digs, habang nag-ambag si Grethcel Soltones ng 12 points, kabilang ang 2 service aces, 11 digs at 11 receptions.
Nakabitin ang second set makaraang umiskor si Jovie Prado ng spike para sa High Speed Hitters upang magbanta sa 23-24.
Pagkatapos ay bumanat si Phillips ng quick attack upang bigyan ang PetroGazz ng 2-0 set lead.
Ito ang ika-5 championship appearance ng PetroGazz sa kabuuan, kung saan nakopo nila ang Reinforced Conference title noong nakaraang season.
Ang Angels ay hindi pa nananalo sa All-Filipino tourney, na dating kilala bilang Open Conference magmula nang lumahok sa liga noong 2018.
Makakasagupa ng PLDT ang F2 Logistics, na winalis ng Creamline sa isa pang Final Four match para sa bronze sa alas-4 ng hapon sa Linggo.
Nagwagi ang High Speed Hitters sa Game 2, 14-25, 25-23, 25-14, 25-15, subalit masaya si coach Oliver Almadro na tumugon ang kanyang tropa sa pangangailangang mag-step up.
“Gusto nilang makabawi agad,” sabi ni Almadro.
Tumipa sina Prado at Dell Palomata ng tig- 10 points para sa PLDT.