PANAHON na naman ng tag-ulan at sadyang napakasarap ang humigop ng mainit na sabaw. Kapag sobra ang lamig, tinatamad tayong magkikilos sa loob ng bahay. Gusto na lang natin ang humiga, matulog at kumain. Nag-iisip palagi ng masarap kainin.
Pero hindi natin puwedeng pagbigyan ang ating sariling tamarin dahil malamig at maulan ang paligid. Marami tayong kailangang tapusin gaya na lang ng trabaho sa opisina o mga gawaing bahay.
Nandiyan pa ang pag-aalaga natin sa ating mga anak, at higit sa lahat ang paghahanda sa kanila ng iba’t ibang lutuing makapagpapasaya at makapagbibigay sa kanila ng magandang pakiramdam.
Kapag malamig ang panahon, hindi natin siyempre puwedeng kaligtaan ang mga lutuing makapagbibigay sa atin ng init ng pakiramdam. Iyong tipong makapagpapawala ng nadarama nating lamig.
Hindi natin siyempre makaliligtaan ang paborito ng mga Pinoy, ang sopas.
Swak ang sopas lalo na kung medyo tight ang budget at mga leftover food ang gagamitin gaya ng ham at hotdog. Kung may natira nga namang pagkain sa refrigerator, hindi ito kailangang itapon dahil maaari ka pang makabuo ng putahe mula rito.
Masarap din ang sopas sa agahan lalo na sa mga nagmamadaling pumasok sa opisina o paaralan. Maaari rin sa hapunan para sa mga tinatamad nang magluto at ayaw na kumain ng kanin.
Sopas ang paboritong kainin ng marami sa atin. May kanya-kanya tayong style ng pagluluto nito at nais kong ibahagi sa inyo ang aking recipe na talaga naman magugustuhan ng mga chikiting pati ng inyong buong pamilya.
Ang mga sangkap na kakailanganin sa pagluluto ng Creamy Penne regate soup ay ang mga sumusunod:
– Penne regate pasta o kahit anong klaseng pasta
– Left over ham at hotdog, hiwain ito sa katamtamang laki
– Giniling na pork o chicken
– Carrots, hugasan saka gadgarin
– Repolyo, hugasan at hiwain din ng naaayon sa laki
– Mushroom
– Cream
– Cheese
– Gatas
– Salt and pepper
PARAAN NG PAGLULUTO:
Unang-unang kailangang gawin ay igisa ang bawang, sibuyas at giniling, ham, hotdog at mushroom tapos lagyan na ito ng sabaw o tubig.
Kapag kumulo na, ilagay na ang pasta hanggang sa maluto.
Pagkaluto ng pasta, isama na ang ginadgad na carrots. Mainam ang ginadgad na carrots kung ihahanda ito sa mga bata nang madali nila itong makain.
Pagkatapos ay ilagay na rin ang repolyo para maging masustansiya ang ihahandang sopas ngayong maulan ang panahon.
Kapag nailagay na ang repolyo, timplahan na ito ng asin, paminta at ilagay na rin ang cheese at gatas nang mas luminamnam ang lasa. Pagkakulo, ihanda na sa pamilya.
Masarap itong pagsaluhan kapag kakaluto lang o habang mainit pa.
Comments are closed.