CREAMY PORK ALA KING

CREAMY PORK ALA KING

(Ni CT SARIGUMBA)

WEEKEND na naman. Malamang ay pinakaaabangan ito ng marami sa atin sapagkat sa ganitong mga pagkakataon ay nagkakasama-sama ang buong pamilya. Nakapagba-bonding kumbaga.

Abala nga naman sa araw-araw ang marami sa atin at kung minsan, Sabado o Linggo lang sila nagkakaroon ng pagkakataong mag-relax at magsaya kasama ang mga mahal sa buhay.

Kumbaga, kahit na magkakasama kayo sa iisang bahay pero kapag may trabaho sa opisina o pasok sa eskuwela, halos hindi na nagpapansinan. Lahat nga naman ay nagmamadali. Lahat, sa trabaho o eskuwela naka-focus.

Kung may isa mang araw na gustong-gusto ko at kung puwede nga lang na dumating kaagad, iyan ang araw ng Linggo. Ito kasi ang panahon na nakapagba-bonding kami ng mga taong naging dahilan para sumilay ang ngiti sa labi, lalong-lalo na sa puso ko. Kadalasan, sa ganitong araw ay nagtutungo kami sa mall para mamili o maglaro, o kaya ay nanonood ng movie sa bahay.

Ito rin ang araw na espesyal ang iniluluto kong pagkain lalo na kung nasa bahay lang kami nagkukuwentuhan o nanonood ng movie nang magkakasama. Kumbaga, pinag-iisipan ko ang iluluto ko kapag kompleto kami at walang makaaabala sa amin—trabaho o kung ano pa man.

Dahil madalas na pinag-iisipan ko ang iluluto kapag Linggo o sa mga panahong kompleto ang buong pamilya, madalas ay nauubusan din ako ng ideya. Kaya’t kadalasan kong ginagawa, iniisip ko na habang malayo pa ang mga posibleng lulutuin ko. Inaalam ko na rin kung anong putahe ang nais ng buong pamilya sa nasabing araw.

Pero madalas, kahit na magtanong ako sa kanila kung anong putahe ang gusto nila, ako na raw ang bahala, iyan at iyan ang sagot na naririnig ko. Mas alam ko raw kasi ang masarap at magugustuhan nila. Dahil diyan, kinakalikot ko ang utak sa pag-iisip kung ano nga bang masarap ihanda na magugustuhan nila.

Tag-ulan na. Masarap sana ang maghanda ng masabaw. Pero may mga araw pa ring matindi ang init ng panahon. Kaya’t isang putahe ang naisipan ko na bukod sa madali lang lutuin, paniguradong magugustuhan ng kahit na sinong makatitikim at swak din sa kahit na anong panahon ang Creamy Pork ala King.

Ang mga sangkap na kakailanganin sa pagluluto nito ay ang bawang, sibuyas, carrots, mantika, celery, karne o pigue ng baboy o pork chops, all purpose flour, pork broth, fresh milk, green peas, mushroom, bell pepper, bay leaf, all purpose cream, asin at paminta.

Paraan ng pagluluto:

Kapag nagluluto ako, hindi kasi sukat na sukat ang ingredients ko. Tinatantiya ko lang. May iba-iba rin kasi tayong hinahabol na lasa o swak na lasang gusto.

Matapos na maihanda ang mga sangkap na sa tingin ninyo ay kakasya sa gusto ninyong rami ng lulutuin, ang una na­ting kailangang gawin ay ang pagsasalang ng lutuan o kawali. Lagyan ito ng mantika. Puwede rin naman ang paggamit ng butter. Pagkatapos ay i-saute na ang bawang at sibuyas. Ilagay na rin ang carrots at celery. Kapag nahalo na, isama na ang karne na hiniwa-hiwa ng naaayon sa nais na laki at lutuin ito.

Kapag naluto na ang karne, isama na ang flour at haluing mabuti. Isama na rin ang broth at milk, haluin ulit. Pagkatapos ay ilagay na ang green peas, mushroom, bay leaf at red bell pepper. Haluin at pakuluin hanggang sa tuluyang lumambot ang karne. Kapag malambot na ang karne at malapot na ang sabaw, ibuhos na ang all-purpose flour. Timplahan na rin ito ng asin at paminta. Tikman. Puwede rin itong lagyan ng kaunting patis para mas sumarap ang lasa.

Kapag swak na sa inyo ang lasa, ihanda na ito habang mainit pa kapares ang umuusok pang kanin.

Paniguradong mapa­rarami ang kain ng inyong buong pamilya.

Kung gusto nating maging espesyal ang iluluto nating pagkain para sa ating mahal sa buhay, hindi naman kailangang mahal ang bibilhin na­ting sangkap. Dahil hindi batayan ang mahal ng putahe sa pagiging espesyal ng isang lutuin kundi kung sino ang nag­luto nito. (photos mula sa yummy.ph, axelum.ph, theseasonedmom.com)

Comments are closed.