NIRATIPIKAHAN na ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang bicameral committee report sa panukalang magbababa sa corporate income tax rate sa layuning makaakit ng mas maraming foreign investments at makatulong sa pagbangon ng ekonomiya mula sa COVID-19 pandemic.
Pinagtibay ng Kamara ang committee report sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Bill o CREATE Bill sa mga unang minuto ng plenary session nito kahapon.
Niratipikahan na rin ng Senado ang report, ayon kay Senadora Pia Cayetano.
“I’d like to report to the Filipino people & to our business community that the #CREATE bill has finally moved forward!,” pahayag niya sa Twitter.
Sa ilalim ng CREATE Bill, ibababa ang 30% na corporate income tax sa 25% para sa mga large corporation at 20% naman para sa mga small and medium corporation na may net taxable income na mababa sa P5 million at total assets na mas mababa sa P100 million.
Bukod dito ay may mga insentibo, special corporate income tax holiday at iba pang benepisyong nakapaloob para sa mga exporter, enterprise at iba pang negosyo.
Bukod sa pagbangon ng ekonomiya, inaasahang lilikha rin ito ng 1.8 milyong mga trabaho sa susunod na 10 taon.
Ang CREATE Act ay makatutulong din sa bansa mula sa economic gap o naging epekto ng COVID-19 pandemic kung saan nakapaloob dito ang VAT exemptions para sa COVID-19 vaccines, PPEs at mga gamot para sa COVID-19 at iba pang karamdaman. CONDE BATAC
Comments are closed.