CREATE WITH LOVE: ANG MAKABULUHANG PAGPAPAHAYAG NG PAGMAMAHAL

PAGMAMAHAL

(ni EDWIN CABRERA)

NATURAL na sa ating mga Filipino ang pagiging expressive sa kung ano man ang ating ­nararamdaman. Bukod pa rito, kilala rin ang mga Pinoy bilang malikhain, maunawain at kadalasan, ito ang ating pinaiiral upang mas makagawa ng ­makabuluhang bagay. ­CREATE WITH LOVE. Sa panahon ng sakuna o kalamidad, hindi ba’t masaya kung tayo ay makagagawa ng mga ­bagay na makatutulong sa kap­wa at bukal pa sa ating puso? Ito ang mga ­istoryang ­kailangan ng nakararami ngayong araw ng mga puso.

Sa unang buwan pa lang ng taong 2020 ay talaga namang nasubok ang katatagan ng mga Filipino. Pagpasok pa lang kasi ng buwan ng Enero, nabahala ang lahat matapos sumiklab ang malawakang wildfire sa Australia. Mil­yon-milyong ektarya ng kalupaan ang tinupok ng nasabing wildfire na nagdulot ng pagkawala ng humigit-kumulang kalahating bilyong hayop. Sa buwan rin ng Enero naging maingay ang issue patungkol sa hidwaan ng USA at Iran. Sa ating bansa, binalot rin tayo ng takot matapos mag-alburoto ang bulkang Taal may isang buwan na ang nakalilipas. Sa kasalukuyan, tuloy pa rin ang pag-iingat ng bawat isa lalo’t kumpirmadong mayroon ng kaso ng CoViD-19 sa bansa. Marami ang nagulat sa bilis ng mga pangyayari. Ngunit higit sa takot na naidulot ng mga pangyayari, mas nanaig ang pagtutulungan, pagkakaisa, at pagbabahagi ng pagmamahal sa kapwa.

TAAL AFTERMATH

Isa na nga sa mga epekto ng pag-aalburoto ng Taal Volcano ay ang direktiba ng agarang paglisan ng mga nakatira malapit sa bulkan. Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nakababalik ang mga naninirahan malapit sa permanent danger zone, at malamang sa malamang ay hindi na sila makababalik pa. Ngunit dito umusbong ang bagong pag-asa dahil kamakailan lang ay inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pabahay para sa mga biktima ng Taal Volcano. Iniulat ng National Housing Authority na ilalaan na ang 5,448 housing units na matatagpuan sa Batangas, Laguna, Cavite at Quezon.

Ngunit bukod sa urgent evacuation ng mga mamamayan ng Batangas, naging usap-­usapan din sa social media ang mga hayop na naiwan sa Taal Island. Marami ang nanawagan ng tulong upang mailigtas ang mga hayop na ito. Dahil kulang sa rescue boats, hindi ito naging madali. Sa katunayan, karamihan sa mga hayop na naiwan, dinatnan na ng mga rescuer na walang buhay. Ngunit sa pangung­una ng PAWS Disaster team, nakalikom sila ng sapat na tulong upang masagip ang mga natitirang hayop malapit sa Taal at kasalukuyang nasa mabuting kalagayan na ang mga ito sa pamamagitan ng PAWS Animal Rehabilitation Center (PARC).

Labis din naman ang naging epekto nito para sa agrikultura, mil­yon-milyong pananim ang napinsala at nagdulot ng pagkalugi ng mga kababayan nating farmers. Magandang balita nga na sa kasalukuyan ay unti-unti nang guma­ganda ang lagay ng mga lupa nila at muli nang sumisigla ang kanilang mga pananim. Nagpamahagi rin ang ating pamahalaan ng 160-million worth of agriculture, fishery and livelihood assistance para sa pag-asang maka­bangon muli ang mga kababayan nating labis na nasalanta.

Ang pag-aalburoto ng Bulkang Taal ay tunay ngang nagpahinto ng masaganang pamumuhay ng mga Batangueño at kalapit bayan nito. Ilang linggong naging kanselado ang mga pasok sa eskuwelahan, trabaho at ina­asahang magpapatuloy pa ito lalo na at nakataas parin ang alert level 4 sa Taal Volcano. Dito rin nagbigay ng direktiba ang Department of Education na maaaring makalipat ng paaralan ang mga estu­dyanteng biktima ng Taal ng walang kailangan requirements. Sa panahon ding ito namahagi ng libreng internet, tawag at charging stations ang Globe Telecoms Inc. upang mapadali ang komunikasyon ng mga nasalanta. Samu’t saring problema, kalamidad at seguridad sa pang araw-araw na buhay ang kinakaharap ng ­ating mga kababayan. Sa mga panahon tulad nito lumalabas ang pagbabayanihan nating mga Filipino. Kaya naman sa kabila ng malaking dagok na ito, umulan rin ng mga positibong istorya sa social media.

LOVE-2BAYANIHAN

Ngunit sa lahat nga ng nabanggit, isang bagay ang tunay na hindi mapagkakaila, ito  ay ang ating bayanihan. Bumuhos nga ang halos hindi mabilang na tulong para sa ating mga kababayan na nasa­lanta ng pag-aalburoto ng bulkan. Iba’t ibang organisasyon ang na­nguna upang humingi ng donasyon sa social media. Pagkain, toiletries, damit, kagamitang  pantulog, iyan ang mga ilan sa mga pangunahing donasyon na ipinamahagi sa ating evacuees.

Naging usap-usapan rin sa social media ang hindi na bago ngunit nakahahangang gawain ng aktres na si Angel Locsin. Ika nga ng madla, siya ay isang “real-life angel” matapos nitong personal na magpaabot ng tulong sa mga nasa­lanta sa Batangas. May ilan ding nagsasabi na patunay itong siya pa rin ang nag-iisang Darna – karakter na laging handang tumulong sa kapwa. Hindi nakapagtataka kung bakit siya napabilang sa listahan ng Forbes Asia’s “Heroes of Philanthropy” 2019.

Isa rin sa mga organisasyong nanguna ay ang Glorious Industrial Development Corporation (GIDC) Pass It On Foundation Inc. Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng relief goods at ng mga produkto nila, nakapagbigay ang GIDC Pass It On Foundation Inc. sa 9 na evacuation centers. Sa kanilang makabuluhang hakbang, ngiti at pag-asa ang mas higit nilang naibahagi sa mga nasalanta ng Taal Volcano. Ito’y isang patunay sa mithiin ng GIDC na makapag-abot ng tulong sa mga kababa­yang nangangailan.

COVID-19 SA PINAS

Sa pagputok ng balita tungkol sa u­nang kaso ng CoViD-19 sa bansa, marami ang agad na nabahala. Ngunit bukod sa hindi maiiwasang takot, nakatutuwang nanaig din ang pagtutulungan ng bawat isa upang labanan ang epidemyang ito. Bagama’t may kakulangan sa face masks, marami ang namahagi nito sa mga pampublikong lugar lalo’t hindi lahat ay may kakayahang bumili nito. Dito mo rin makikita ang pagpapahalaga ng iba’t ibang kompanya para sa kanilang mga empleyado o kostumer. Naging usap-usapan nga ang pangunguna ng SM Supermalls na sinigurong magi­ging ligtas ang kanilang malls, laban sa banta ng sakit, upang makapag-bigay serbisyo sa ating mga kababayan.

Bagama’t mara­ming negatibong dulot ang social media, ang pagsubok na hatid ng mga di inaasahang pangyayari ngayong 2020, napatunayan ding may maganda itong maidu­dulot kung gagamitin sa makabuluhan at wastong pamamaraan. Mara­ming istorya ang talaga namang nagbigay inspirasyon upang sa kahit na anong pa­raan ay makapagbahagi tayo ng mas malalim at mas makabuluhang pagmamahal sa kap­wa. Nakatutuwang isipin na sa kabila ng lahat ng pagsubok na tila ba’y isang mala­king bangungot, higit na nanaig ang pagtutulu­ngan ng ating mga kababayan at umusbong ang iba’t ibang bersiyon ng ka­tagang “Create with Love”.

Comments are closed.