(Ni AIMEE GRACE ANOC)
MULING pinatunayan ni Rafael “Popoy” Cusi ang kanyang natatanging galing sa larangan ng pagguhit at pagpinta sa isang art exhibition na may temang “Creating Abstract Art and Its Market” kung saan nagbahagi siya ng kaalaman at mga pamantayan sa usaping sining noong Marso 12 sa German Club Manila, Penthouse of Eurovilla II Bldg., Rufino St., Makati City.
Pinangunahan ang nasabing eksibisyon ng Transwing Art Gallery, Inc. na itinatag noong 1995 sa Germa-ny na nagpapakilala sa mga Filipino artist at sa mga obra nito sa German at European market.
Dito, ibinahagi ni Ka Popoy ang kanyang mga karanasan sa paglikha at pagbibigay ng halaga sa isang obra kung saan matutunghayan kung papaano nagkakaiba-iba ang presyo ng mga likhang sining. May kinalaman din ang pagbibigay ng presyo sa medium na ginagamit sa paggawa ng isang obra tulad ng oil, acrylic, pastels, watercolour, ballpen, crayon, mixed media at iba pa.
Ang ilan din sa kanyang mga tinalakay ay kung paano masasabi na ang isang abstract painting ay isang “good work”, paano lumikha at lilikha ng isang abstract works, paano masasabi na nararapat lamang ang presyo para sa isang obra, paano ibebenta ang isang abstract work bilang isang artist, at ano ang mga pangunahing pagkakaiba sa iba’t ibang kasangkapan (medium) na ginagamit sa pagpinta.
Makikita sa eksibisyon ang ilan sa mga gawa ni Cusi at ng ilan pang mga sikat na pintor tulad ng “Barong-barong Maligaya” ni Paco Gorospe sa oil on textured canvas, “Weaving of Dreams” ni Jerelyn P. Donguines gamit ang mixed media, “Firmament of heavens” ni Herminigildo C. Pineda sa acrylic on canvas, “Journey” ni Dennis Morante sa acrylic, “Golden Sweat” ni Dominic Urbano sa acrylic at “Har-bour” ni Rafael Cusi gamit ang watercolor.
Isa si Ka Popoy sa mga natatanging pintor ng bansa na nagpapatunay sa angking husay at talento ng mga Filipino sa sining.
Dahil sa pagpapamalas ng kakaibang estilo sa pagguhit at pagpipinta hindi lamang sa bansa nakilala ang kanyang mga gawa kundi maging sa iba’t ibang bansa tulad ng Japan, Spain, Belgium, Malaysia, Thai-land, Indonesia, England at US.
Kilala siya sa kanyang husay sa paggamit ng watercolour sa pagpipinta.
Dahil sa impluwensiya ng kanyang ama na isa ring pintor, inumpisahan lamang niya noon ang pagtuklas sa kanyang talento sa pamamagitan ng paggawa ng street art tulad ng mural, billboard at sign painting.
Kalauna’y itinuon na niya ang kanyang sarili na maging isang propesyunal na pintor na naging daan upang makamit niya ang mga karangalan at scholarships sa iba’t ibang organisasyon at foundations.
Naging positibo ang pagtanggap at pagkilala sa mga obra ni Ka Popoy at ilan sa mga ito ay nagkamit ng karangalan tulad ng “Arts Environmental Award” sa Rome. Nakapaglimbag na rin siya ng ilang mga libro, isa na nga rito ang “Philippine Coral Reefs in Watercolor” at nailathala na rin ang ilan sa kanyang mga gawa sa mga librong sining ng Filipinas ng mga Filipinong manunulat.
Bukas ang nasabing eksibisyon hanggang sa Abril 12 sa German Club Manila na matatagpuan sa 118 V.A. Rufino Street, Penthouse, Legazpi Village, Makati City.
Comments are closed.