MARAMI ang nangangamba sa mga nangyayari sa ating kapaligiran.
Aba’y patuloy ang pagtaas ng krimen at tila walang magawa raw ang Philippine National Police (PNP) kung paano mapoprotektahan ang mamamayan.
Kabilang sa mga pinakahuling biktima ng krimen ay si Ampatuan, Maguindanao police chief Lt. Reynaldo Samson at ang kanyang security aide-slash-driver na si Cpl. Salipudin Endab na kapwa nasawi matapos tambangan sa Barangay Kapinpilan.
Madalas talakayin ng mga kritiko ang kakulangan ng mga alagad ng batas sa lansangan lalo sa gabi.
Laging sinasabi ng PNP na ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang mapanatili ang peace and order sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa datos nila, bumababa raw ang crime rate na waring taliwas sa mga iniuulat sa mga pahayagan, social media, radyo at telebisyon.
Oo, totoong may napapatay na mga holdaper ang mga pulis.
Ngunit ang tila kapalit niyon ay mas matindi namang pagsalakay sa mga establisimiyento at pananambang sa mga mismong uniformed personnel at sibilyan.
May mga nangayari pa ring panloloob sa mga establisimiyento sa gabi at saka nanakawan at ang sinumang magtangkang lumaban ay binabaril ng mga halang ang bituka.
Ngayon, nauuso naman daw ang mga insidente ng pagdukot.
Kahit sa araw, walang takot na sumasalakay ang mga salarin.
Kahit maraming tao, malakas ang loob ng mga kawatan at kriminal.
Malamang, alam ng mga masasamang-loob na wala o kulang ang mga pulis sa paligid kaya madali silang makakatakas.
Maging si PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. ay naalarma sa mga napaulat na sunod-sunod na kaso ng pagdukot na kadalasang mga kababaihan ang biktima at viral sa social media.
Kaya inatasan niya ang lahat ng police units na imbestigahan ang mga ito.
Kailangan nga raw pakilusin ang lahat upang madaling malutas ang kaso.
Malaking tulong daw ang social media at partisipasyon ng publiko upang maresolba ito.
Abala naman daw kasi ang PNP lalo ngayong nagsimula na ang face-to-face classes at habang nagkakagulo o abala ang lahat ay maaaring sinasamantala raw ng mga sindikato o kriminal.
Nalutas na naman daw ng PNP ang pagdukot at pagpatay sa biker enthuiast na si Princess Marie Dumantay, sanitary engineer Princess Dianne Dayor na kapwa taga-Bulacan, at iba pang kaso.
May ilang insidente naman ng pagdukot daw sa Mindanao na kalaunan ay nalamang fake news pala.
Ganyan din ang nangyari sa Caloocan City na natuklasang nag-imbento lang daw ng kwento ang dalagita ukol sa tangkang pagdukot sa kanya ng isang puting van.
Kaya mahalagang maging maingat sa pagpoposte at pagsi-share ng malisyosong balita at fake news lalo na sa mga social media account.
Sa kabilang banda, tama ang ginagawa ng PNP na imbestigahan ang lahat ng kaso na nagsisilbing hamon din sa liderato ni Azurin, kabilang ang pananambang kay Samson at iba pang pulis sa Ampatuan.
Nakakalito rin ang alituntuning umiiral sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kung saan kinakailangan pang magpaalam ng mga kinatawan ng pulisya sa pagsisilbi ng warrant of arrest sa mga lugar na mga hinihinalang teritoryo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Maging si Azurin ay kinuwestiyon ito.
Lumitaw daw sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng PNP ang ilang claim na nagsasabing kailangan munang magpaalam ng mga pulis sa pagpasok sa isang lugar sa BARRM.
Tanging ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa bansa ang nagpapatupad ng seguridad at nagsisilbi sa taumbayan kaya’t hindi na dapat silang magpaalam para lusubin ang isang lugar na posibleng may nagtatagong wanted criminal.
Tama nga si Azurin na kung magpapatuloy ang pag-iral ng ganitong alituntunin sa lugar ay walang magiging kasiguraduhan na mahuhuli nila ang mga pusakal na kriminal lalo pa’t positibo raw silang nandoon lamang ang tinutugis nilang tao.
Sa palagay ko, dapat din talagang magpakita ng sinseridad ang nasa kabilang panig kung gusto rin nila ng kapayapaan alinsunod sa napag-usapang kasunduan.
Bakit nga naman ayaw papasukin ang mga pulis kung wala silang tinatago?
Bigyang daan po natin ang kapayapaan na matagal nang hinahangad na makamit ng Lupang Pangako.