NABAWASAN ng mahigit 20% ang crime rate ngayon Ber months kumpara sa datos noong nakaraang taon.
Ito ang iniulat ng Philippines National Police (PNP), gayunpaman ay pinag-iingat pa rin ng awtoridad ang publiko mula sa iba’t ibang krimen ngayong papalapit ang buwan ng Disyembre.
Kinumpirma ni PNP Public Information Office Chief BGen. Jean Fajardo na bumaba ng 21.42% ang bilang ng naitalang krimen mula Setyembre hanggang hanggang Nobyembre 10 kumpara sa kaparehong panahon noong 2023.
Mula sa 7,615 insidente ng krimen, ngayon ay nasa 5,984 na lamang ang naital ng PNP.
Habang ang robbery case ay nasa 25.64%; theft, 10.14% na lamang.
“This data would tell us na nasu-sustain natin ‘yung ating mga anti-criminality efforts, through implementation ng EMPO (Enhanced Management Police Operation) natin at siyempre sa tulong ng ating mga forced multipliers,” ayon kay Fajardo.
Subalit, sa kabila nito ay mas pinag-iingat ng awtoridad ang publiko mula sa iba’t ibang uri ng krimen at modus ng mga kriminal ngayong papalapit ang Holiday season o Kapaskuhan.
Bukod sa tradisyunal na mga snatcher, salisi at holdaper, kailangan din na maging alerto laban sa mga nag-aalok ng mga produkto at serbisyo online.
“May mga nagpo-post ng murang plane tickets, mga vacations. So, mag-ingat tayo na pakikipag-transact doon sa mga hindi natin kilalang mga website kasi normally andiyan yan akala natin nakakamura tayo, nakaka-avail tayo ng mga vacation sites. Hihingan tayo ng deposit at it turned out kapag tsineck natin ay hindi pala nage-exist ‘yung ganitong lugar at bahay or even cond,” paalala ni Fajardo.
Aniya, kailangan din maging mapanuri sa mga hinahawakang pera dahil sa nagkalat na pekeng pera.
Para naman sa paparating na Simbang Gabi, itataas ng PNP ang kanilang alerto upang matiyak ang kaligtasan ng publiko lalo na’t mga nagsisimba ng madaling araw at hatinggabi.
EUNICE CELARIO