CAMP CRAME – DUMAUSDOS ng 21.48 percent ang crime rate sa buong bansa mula July 2016 hanggang June 2018 na higit na mas mababa kumpara sa naitala sa kaparehong panahon mula taong 2014 hanggang 2016.
Ayon sa datos ng Philippine National Police (PNP) mula sa 1,325,789 na kaso ay bumaba ito sa 1,050,987.
Lahat ng ‘crimes against persons’ tulad ng physical injury, homicide at rape ay bumaba maliban na lamang sa kasong murder.
Lumalabas sa pag-aaral na tumaas ng 1.50 percent ang bilang ng murder cases sa buong Filipinas subalit lubhang kapansin-pansin na lumobo ng 112 porsiyento ang naitalang kaso sa buong Metro Manila.
Naitala ang 3,444 kaso ng murder sa Metro Manila mula July 2016 hanggang June 2018 kumpara sa 1,621 na kasong naitala noong July 2014 hanggang June 2016.
Tumaas din ang murder rate sa Ilocos Region sa 35.48 percent, sa Central Luzon sa 3.20 percent at sa Cordillera na may 1.4 percent.
Ang ‘crimes against property’ naman tulad ng robbery, theft, carnapping at catle rustling ay bumaba ng 58.50 percent o 68,549 cases mula sa 165,178 na naitala noong July 2014 hanggang June 2016.
Posible umano ayon kay PNP spokesperson Senior Supt. Benigno Durana na ang pagbaba sa bilang ng krimen sa nakalipas na dalawang taon ay bunsod ng epektibong kampanya kontra droga na pangunahing ugat sa paggawa ng krimen.
“The Duterte administration hit it right, meaning they hit the nail to the head ika nga, so to speak. That if you’re going to reduce crime, improve the peace and order, sense of public safety of the people, deal with the problem on illegal drugs, and we will make our communities safer than before,” ani Durana.
Samantala, ipinagmalaki ng PNP ang pagbaba sa kaso ng rape ng may 24 bahagdan.
Ayon kay Durana, mula sa 9,204 na kaso ng rape noong July 2016 hanggang June 2017, bumaba ito ng 24 percent sa 6,999 na kasong naitala mula July 2017 hanggang sa Hunyo ng taong kasalukuyan.
Ito ay sa likod ng mga pagbatikos ng nerizens hinggil sa anti-rape advisory ng kapulisan. Ayon sa pamunuan ng PNP, bukas sila sa suhestiyon ni Sen. Risa Hontiveros at ng women’s groups na irebisa ang anti-rape tips ng pulisya.
Ayon kay Durana, irerebisa ang guidelines kung saan ikokonsidera ang gender sensitivity, pagsama sa early education ng mga kabataan na isang krimen ang rape at pagtaguyod sa kaalaman tungkol sa mga date-rape drugs.
Samantala, ipinagtanggol ni Durana ang Angono Police at sinabing ‘concerned’ sa kaligtasan ng kababaihan at hindi ito finger pointing o paninisi sa mga biktima. VERLIN RUIZ
Comments are closed.