BUMABA ang bilang ng krimen ngayong taon.
Ito ang inihayag ni Philippine National Police chief Police General Rodolfo Azurin Jr, kasunod ng ginanap na year end command conference sa Camp Crame sa Quezon City.
Ayon kay General Azurin, mas mababa ang antas ng krimen sa bansa ngayong 2022 kumpara noong nakaraang taon. Mas mababa rin ang crime trend ngayong Disyembre kumpara sa mga nakalipas na buwan.
Resulta umano ito ng pagtataas ng PNP sa 85 porsiyento na deployment ng kapulisan ngayong Christmas season sa mga pangunahing establisimyento, sa mga simbahan, malls, mga terminal, sa mga pier dahil kailangan ay nakikita ang presensiya ng mga pulis lalong-lalo na ngayong Biyernes mag-uumpisa na ang Simbang Gabi.
Kaugnay nito, pinayuhan ng pulis ang publiko na mag-ingat sa mga mall, simbahan at iba pang matataong lugar ngayong Pasko. “So ang dapat diyan ay very visible ang ating mga pulis. Medyo madilim pa ‘yan, kaya ‘yung mga blinkers ng mga patrol cars natin dapat ay kahit sa medyo malayo na lugar, nakikita na mga kababayan natin.”
Tiniyak pa ni Gen. Azurin na hindi magpapahinga ang mga pulis para matiyak na ligtas ang mga mamamayan habang abala sa pamimili ngayong papalapit na ang araw ng Pasko at Bagong Taon.
“Sa review natin kahapon, during our command conference, pababa naman nang pababa ang krimen dito sa buong Pilipinas. Nakapagtala tayo ng halos 1,000 na pagbaba ng krimen compared last year from January to December 9,” dagdag nito.
“So in Luzon, bumaba ng 1.24 ang crime incident natin, pinakamataas ang pagbaba sa Visayas, which is 6 percent and 3 percent naman sa Mindanao, and then ang karamihan nga po ng krimen na nangyayari, especially sa index crime, yun pong theft po talaga.”
Ayon kay Azurin, naging talamak sa Metro Manila ang nakawan ng cellphone at iba pang petty crimes na siyang trend tuwing sasapit ang Christmas season kaya pinaigting niya ang alerto ng kapulisan sa mga lansangan.VERLIN RUIZ