CRIMINOLOGY STUDENT BIKTIMA RIN NG HAZING

Hazing

LAGUNA – NAGSASAGAWA ngayon ng malalimang imbestigasyon ang mga kagawad ng San Pablo City PNP kaugnay ng naganap umanong pag-hazing sa 18-anyos na Criminology Student ng Laguna State Polytechnic University (LSPU) sa Brgy. Del Remedio, Laguna.

Ayon sa report ni PLt. Col. Eliseo Bernales, hepe ng San Pablos City-PNP, nakilala ang biktimang si Jonathan Cabuenos Concordia, residente ng Brgy. Concepcion ng naturang lungsod.

Sinasabing nagtamo ng sugat, bukol at pasa sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima nang isugod ng kanyang pamilya sa Chinese General Hospital sa lungsod ng Maynila noong nakaraang araw ng Lunes.

Batay sa resulta ng isinagawang pagsisiyasat ni Bernales, hinihinalang naganap ang hazing bandang alas-12:10 ng hapon sa ilalim ng kinaanibang Tau Gamma Fraternity ng biktima.

Ani Bernales, natuklasan lamang ito ng kanyang mga kaklase matapos mawalan ng malay ang biktima habang nasa loob ang mga ito ng Fitness Room (School Gym) kung saan agarang isinugod ng mga ito sa kanilang klinika.

Dahil dito, agarang inilipat din ito ng kanyang pamilya sa nabanggit na pagamutan kung saan nasa maayos ng kalagayan.

Kaugnay nito, personal na nagtungo kay Bernales ang pamilya ng biktima para maghain ng kaukulang kaso ang mga ito laban sa mga suspek na responsable sa naganap na insidente.

Sa kasalukuyan, patuloy na kinikilala ng pulisya ang nasabing grupo kabilang ang tumatayong Instructor aniya ng mga ito para sumailalim sa isasagawang masusing imbestigasyon kasunod ang paghahain ng kaso sa piskalya. DICK GARAY

Comments are closed.