CRIMINOLOGY STUDENT PATAY SA KILLER BUS

CAMARINES SUR- ISANG Criminology student na babae ang agad na binawian ng buhay matapos na mahulog sa sinasakyan nitong motor at masagasaan ng isang rumaragasang pampasaherong bus na naganap sa bayan ng Ragay sa lalawigang ito.

Base sa report ang biktima ay nakakilalang si Arabela Cuenca, 18-anyos at residente ng Tagkawayan, Quezon at nag-aaral sa Sipocot, Camarines Sur.

Sa pahayag ng imbestigador na si SSgt Jimijon Salamque, pasado alas-6 ng gabi nitong Linggo habang sakay NG motorsiklo ang biktima na minamaneho ni Johnwell Matias patungo sa Sipocot kung saan nag-aaral ay biglang mahulog ito pagdating sa malubak na kalsada ng Agrupasyon Ragay na siyang naging dahilan upang bumaligtad ang motorsiklo ng mga ito na naging dahilan ng pagkahulog ni Cuenca.

Nang mahulog ang biktima, eksakto naman umanong dumarating ang bus na minamaneho ni Aurelio Cantor, residente ng Goa, Camarines Sur na naging dahilan upang masagasaan nito ang dalaga.

Samantalang nagtamo naman ng mga gasgas sa katawan ang tinamo ni Matias.

Kasalukuyan naman nasa kustodiya na ng Goa Municipal Police Station ang driver ng nasabing bus para sa karampatang kasong isasampa rito. EVELYN GARCIA