CRISPY BAKED CHICKEN NUGGETS

CHICKEN NUGGETS

MARAMING mommy ang araw-araw na nag-iisip ng putaheng kaiibigan ng buong pamilya. Kumbaga, hindi nakokontento sa kung ano lang ang maihahanda kundi sinisigurong masarap ito at katatakaman ng buong pamilya.

Isa nga naman sa mahirap gawin ay ang pag-iisip ng iba’t ibang putahe sa pamilya. Iyong tipong naghirap kang mag­luto pero hindi pala nila type ang inihanda mo sa kanila. Malalaman natin iyan lalo na kung hindi nila naubos ang ating iniluto.

Kung minsan, nakasasama ng loob iyong nagluto ka ng bagong putahe pero hindi pala swak sa panlasa ng a­ting pamilya. Pero sabihin mang may mga pagkakataong hindi nila type o gusto ang niluluto natin, ‘hindi pa rin sapat na dahilan iyon upang katamaran natin ang magluto o mag-isip ng iba’t ibang putahe.

Oo, mahirap ang mag­luto sa araw-araw. Mahirap ding masigurong magugustuhan ng ating pamilya ang ihahanda natin sa ka-nila. Gayunpaman, importanteng ang pagiging creative lalo na sa kusina.

Chicken ang isa sa kinahihiligan ng marami sa atin. Paano nga naman, napakadali lang nitong lutuin. Puwede mo itong iprito, gawing tinola, nilaga, curry, barbeque at kung ano-ano pa.

Isa nga naman ang manok sa kadalasang hindi nawawala sa kusina ng kahit na sino. Sa bahay nga, hindi kami puwedeng mawa-lan ng manok lalo’t mahilig ang anak ko rito. Iyon nga lang, isang klase lang ang lutong gusto niya sa manok—ang fried chicken. Kapag ibang luto nang manok, pahirapan na sa pagpapakain.

Okey rin naman ang chicken dahil masarap ito. Gayunpaman, kung madalas ding prito ang ginagawa nating luto rito, bukod sa nakasasawa na ay mamantika pa ito.

Masama sa katawan ang fried food lalo na kung aaraw-arawin.

Kaya naman, isang paraan na puwedeng subukan upang hindi gaanong mamantika ang lulutuing chicken kung ibe-bake ito.

At isa sa recipe na maaaring subukan ang Crispy Baked Chicken Nuggets. Bukod sa masarap ito, siguradong maiibigan ito ng buong pamilya. Swak na swak din itong pambaon—sa school man o opisina. Mas sasarap din ito kapag may sawsawang ketchup o kung anong type ng pamilya.

Ang mga sangkap na kailangang ihanda ay ang boneless chicken breasts, bread crumbs, grated parmesan cheese, asin, dried thyme, dried basil at melted butter.  Ang dami ng sangkap ay nakabase sa dami ng chicken breasts.

Paraan ng pagluluto:

Unang-una, linisin ang chicken breasts at hiwain sa 1 ½-inch sized pieces. Pagkatapos ay patuluin. Sa isang medium bowl, pag-samahin ang bread crumbs, asin, thyme, basil at cheese. Haluing mabuti.  Ilagay naman sa isa pang lalagyan ang melted butter para mas madaling isawsaw ang chicken. Isa-isang isawsaw ang chicken pieces sa melted butter pagkatapos ay pagulungin sa bread-crumbs mixture. Kapag nalagyan na ang lahat ng piraso ng chicken, ilagay na ito sa lightly greased cookie sheet, painitin ang oven sa 400 degrees F at saka i-bake ang chicken sa loob ng 20 minutes.

Kung wala namang oven, isa pang option ay ang pagsasalang ng kawali, lagyan ng mantika at saka iprito ang chicken.

Kaya naman, kung nag-iisip kayo ng panibagong luto sa manok o putaheng maiibigan ng buong pamilya, subukan na ang Crispy Baked Chicken Nuggets.

Simple lang itong gawin, hindi ka pa matatalsikan ng mantika sa pagpiprito. Isa pa naman sa problema ng marami sa atin lalo na kapag nagpiprito ay ang mantikang tumatalsik. Kaya’t sa pamamagitan ng paggawa ng Crispy Baked Chicken Nuggets, hindi na magiging mahirap pa ang paghahanda ng masarap na putahe sa pamilya. (Google Images)

Comments are closed.