Story & photos by Jayzl Villafania Nebre
Buwaya – nakakatakot at malupit, simbulo ng lakas at nakakatakot na kaaway. Kung mananaginip ka tungkol sa buwaya, maaaring may problema kayo ng kaibigan mo na may kinalaman sa pera o may kaibigan kang makakasamaan mo ng loob.
Pero kung hindi ito panaginip kundi tunay na buwaya na, ano kaya ang mararamdaman mo? Syempre, ang una mong magiging reaksyon ay tumakbo. Kung nasa tubig ka, umalis ka agad at siguruhin mong hindi ka gagawa ng masyadong ingay dahil siguradong susugurin ka ng buwaya.
Sa Croco Loco, sa Zoobic Safari, pinuntahan naming ang isang lugar kung saan matatagpuan mo ang isang lugar na pinagbabahayan ng 200 buwaya. Naglakad kami sa ibabaw ng steel grated walkway na ilang metro lamang ang taas, habang nagtatalunan ang mga buwaya sa ibaba. Dito, pwede kaming bumili ng hilaw na manok para ilagay sa pamingwit at ipakain sa mga buwaya. Nakababaliw at nakakatakot, ngunit nakakatuwa.
Ayon sa research, may damdamin din ang mga buwaya. Gayunman, hindi sila katulad ng tao. Pwede natin silang gawing mga kontrabida sa totoong buhay man o sa pelikula, pero hindi sila talagang ganoon. Hindi sila conniving evil beasts. Marunong silang matakot at magkaroon ng anxiety. Pwede rin silang makuntento in their own way.
Sa totoo lang, wala akong gaanong alam sa buwaya kundi ang idiom na “luha ng buwaya.” Literal ang kahulugan nito. Pinaniniwalaang habang sinisila ng buwaya ang kanyang biktima, may lumalabas na luha sa kanyang mga mata na ang purpose ay para mabasa ang mata nila, kaya nagmumukha silang umiiyak.
Spiritually speaking, ang mga buwaya ay matatapang, walang takot at malalakas na hayop. Bilang Spirit Animal, sumisimbulo sila ng individuality, proteksyon, at lakas. Sumisimbulo rin sila sa kapangyarihan at talino ng mga nakatatanda. Pero personally, ayokong makumpara sa buwaya dahil sa Pilipinas, ang buwaya ay sumisimbulo sa mga pulitikong gahaman sa posisyon. JVN