ANG atin pong panlabang manok ay kumukuha ng lakas sa pagkain at kung talagang nasa kondisyon siya, ang rate ng digestion o bilis ng pagtutunaw ay dapat 5 grams every 2 hours.
Para kay Doc Marvin Rocafort ng El Campeon Conditioning Camp, mahirap ang gutom na panlaban kasi mainit ang kanilang ulo na nagiging dahilan para sila ay sumugod nang sumugod sa kanilang kalaban.
“Anumang nilalang kahit pa anong galing niyan kapag sumalubong sa talas at talim ng tari ay durog pati atay niyan! Ang manok na mabilis magtunaw ay mabilis pumatay!” ani Doc Marvin.
Ayon pa kay Doc Marvin, may kanya-kanya ring pamamaraan ng pagbitaw ng ating panlaban depende na sa kanyang fighting style at ‘yun ay nirerespeto niya.
“Para sa akin, importante na dahan-dahan mo siyang i-release at huwag na huwag ibabagsak kasi pepreno pa siya na maaring makasira sa kanya na magiging dahilan para siya ay mag-alangan at tuluyan nang maunahan,” ani Doc Marvin.
“Mas maganda sa oras ng laban siya ay kalmado pero alerto. Kung ano po ang pamamaraan at nanalo ka na doon ay huwag nang baguhin sapagkat sa dulo naman, ang usapan ay kung nanalo. Tulungan po natin ang ating mga manok habang nasa mga kamay pa natin sila dahil kapag nabitawan mo na siya ay hinding-hindi mo na siya matutulungan,” dagdag pa niya.
Magkakaiba rin umano ang ugali ng ating mga manok pagdating ng oras ng laban at para mag-focus o tumingin siya sa kalaban ay hawakan/galawin ang buntot para siya ay maging alerto.
“Para sa akin, importante na nakaayos po ang buntot kasi sa nilalang ng Diyos na may kinalaman sa paglipad ay buntot ang nagkokontrol ng balanse. Huwag na huwag mo siyang bibigyan ng dahilan na ipatalo ka,” paliwanag pa niya.
Comments are closed.