HINDI maitatatwa na naging mabunga ang biyahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Japan.
Umani ito ng napakaraming trade at investment pledges.
Kaya asahan ng mas gaganda pa ang takbo ng ating ekonomiya sa mga susunod na buwan o taon.
Tunay na malaki ang papel na ginampanan ng business delegation na kasama sa biyahe ni PBBM.
Nakatulong kasi ito para madagdagan ang potential investments na pumasok sa Pilipinas.
Kung hindi ako nagkakamali, batay na rin sa tinuran ni Assistant Secretary Glenn Peñaranda ng Trade Promotions Group ng Department of Trade and Industry (DTI), nasa 80 companies ang lumahok sa business-to-business meetings sa pagitan ng Filipino at Japanese businessmen.
Tandaan n’yo na lang, kilala ang Japan na magandang mapagkukunan ng teknolohiya.
Siyempre, malaking market din ito para sa maraming produkto ng ating bansa.
Hindi man ito agad mararamdaman, tiyak na mapapakinabangan ito ng ating bansa sa hinaharap at ng mga susunod na henerasyon.
Bahagi rin ng pagpapaganda ng takbo ng ekonomiya ang plano ng Marcos admin na pataasin ang ating crop production.
Aba’y inaprubahan na rin daw kasi ni Pangulong Marcos ang paggamit ng makabagong pamamaraan para sa produksyon ng hybrid rice.
Naging ‘fruitful’ ang pagkikipagpulong ng ating mahal na Presidente sa ilang pribadong kompanya.
Kasama rin sa mga pinulong niya ang mga magsasaka sa Gitnang Luzon kung saan inirekomenda ang paggamit nga ng modernong pamamaraan sa hybrid rice production.
Dito’y napagkasunduan na ang mga rice farming area para sa certified seeds ay iko-convert na patungong hybrid seeds.
Magiging katuwang ng gobyerno rito ang SL Agritech Corporation.
Nawa’y magtagumpay ang pamahalaang Marcos sa pagtataguyod ng hybrid technology sa buong bansa.
Sa ganitong paraan, tiyak na maaabot natin ang target na rice sufficiency.
At siyempre, mas makapagbibigay ito ng mas magandang kita sa mga magsasaka sa mga komunidad.