CROWDFUNDING COMMUNITY LUMALAWAK

KAHIT dahan-dahan nang nakakabangon ang ating ekonomiya, medyo mataas pa rin ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Kapag humataw pa naman ang gasolina, diesel at kerosene, mga mahihirap ang tinatamaan.

Kasama sa mga apektado ang mga jeepney driver na halos wala nang naiuuwi sa kanilang pamilya.

Napupunta lang kasi sa gasolina at diesel ang kita nila.

Humihirit ng dagdag sa pasahe ang transport groups.

Ang mga empleyado naman, sumisigaw ng umento sa sahod.

Kawawa ang taumbayan sa halos walang tigil na pagtaas ng halaga ng langis.

Maging ang mga negosyo ay hirap din sa pagbangon.

Subalit sa kabilang banda, malakas pa rin ang mga online business.

Nariyan naman daw ang bagong sibol na “crowdfunding” na nagbibigay ng pagkakataon sa mga maliliit na negosyante upang makakuha ng funding options at investors o maging bahagi ng paglago ng mga kompaya online.

Isang paraan daw ito ng pagtaas ng kapital sa maliit na halaga mula sa isang malaking pangkat ng mga tao na gumagamit ng internet o social media.

Sa Pilipinas, sinasabing maaari raw makahugot ang mga negosyo rito ng hanggang P50 milyon kada taon.

Inaprubahan na raw pala ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang crowdfunding bilang ligtas at matatag na uri ng investment.

Nabatid na hanggang nitong Mayo 2022, nakalikom na raw ang crowdfunding sa United States of America ng $73.6 bilyon, $12.6 bilyon sa United Kingdom at $5.3 bilyon sa Brazil.

Lumalakas din daw ito sa Germany, Italy at France.

Nakarating na rin ang crowdfunding sa Africa na karamihan daw sa mga entrepreneur ay mga babae.

Sa kasalukuyan, ang pinakamalaking crowdfunders ay ang Kickstarter PBC at Indiegogo Inc. para sa profit-oriented firms at Mightycare Solutions GmbH para sa non-profit ventures.

Noong Pebrero 2022, inaprubahan ng SEC ang unang permanent crowdfunding license ng “Round One,” isang yunit ng Eastern Securities Development Corp.

Ang Eastern ay kilalang stock brokerage na nakalista sa Philippine Stock Exchange mula pa noong 1977 o 45 taon na ang nakalipas. Isa sa mga nagpapatakbo raw ng “Round One” ay si Eastern Securities President Brandon Leong.

Ang mga investor ay maaaring lumapit sa anyo ng equity (common at preferred), loan o ang pinagsamang dalawang opsiyon.

Ang platform ng “Round One” ay sinasabing angkop talaga sa Filipino investors at fundraisers habang nagsisilbi itong payment o payout portal at napapanatili ang friendly investor relations.

Mukhang maganda nga itong crowdfunding.

Hindi naman daw masamang sumubok ng iba.

Mahalaga rin namang suriin o aralin munang mabuti ng mga negosyante ang tatahakin nilang landas.

Ngayong mataas pa rin ang presyo ng mga bilihin at hindi pa rin ganap na nakakabangon ang mga Pinoy sa pananalasa ng pandemya, patuloy din namang gumagawa ang gobyerno ng mga epektibo at mabilis na paraan upang hindi ganap na mahirapan ang bansa.

Sabi nga ng iba, tuloy-tuloy daw ang pagdurugo ng balikat ng mamamayan dahil sa bigat ng pinapasan.

Gayunman, hindi naman maaaring iasa natin ang lahat sa pamahalaan.

Sa bandang huli, tayo pa rin kasi ang hahanap ng paraan para malamnan ang sikmura nating kumakalam.