CRUZ KUMINANG SA FLEXIBLE CUP NETFEST

PINATIBAY ni Kheith Rhynne Cruz ang katayuan bilang Philippine women’s No.1 matapos pataubin ang mga karibal para tanghaling kampeon sa Women’s Open class ng 10th Flexible Cup International Table Tennis Championship nitong Linggo sa Robinsons Mall sa Novaliches, Quezon City.

Niligwak ni Cruz, pinakabatang player sa edad na 16 na naging PH No.1 women player at pambato ng Joola Philippines, ang mas mga beteranong katunggali, kabilang ang ilang miyembro ng Philippine Team sa elimination round tungo sa championship match laban kay Malaysian Lee Xin Ni ng Gold Medal Malaysia squad na kanyang ginapi, 2-1, para angkinin ang titulo sa torneo na itinataguyod ng Flexible Packaging Products, Inc, at inorganisa ng Table Tennis Association for National Development (TATAND).

Nakopo nina National mainstay Rose Jean Fadol ng Joola Philippines at Angel Joyce Laude ng De La Salle University ang runner-up honors sa torneo na nilahukan ng mahigit 200 players mula sa 30 koponan.

“We’re really happy and proud with Kheith Rhynne performances throughout her young career since maisama namin siya sa TATAND program. From being a struggling junior campaigner and now the country’s No.1 player at the young age of 16, she came a long way. We in TATAND are all out in supporting her dreams to make it to Olympics like her childhood idol Ian Lariba,” pahayag ni TATAND Honorary President Charlie Lim, bahagi rin ng Joola Philippines team na tumapos na second runner-up sa Team Open division kasama sina Cruz, Fadol, Joshua Manlapaz at World Championship campaigner John Russel Misala.

“For a decade todo suporta sa table tennis ang Flexible, kaya kami ay talagang taos-puso ang pasasalamt, gayundin sa mga team na nakiisa sa atin,” aniya.

Nakopo ng Xiom Indonesia – Luki Purkani, Zahru Nailufar, Gusti Syaful at Yon Mardiyono — ang team open championship matapos pataubin ang Sunsports Red Singapore na binubuo nina Josh Cgua, Yin Jing Yuan, at Tay Jit Kiat at UST-1 nina John Michael Castro, Alvin Menard Sevilla, Eljey Dan Tormis at John Dayl Que.

Sa Men’s Singles Open, nakopo ni Dewa Prasetia ng Toto Pol-Chawi Fishing ang kampeonato laban kina Zahru Nailufar ng Xiom Indonesia; Yin Jing Yuan ng Sunsports Singapore at Yon Mardiyono ng Xiom Indonesia.

Nanaig naman si Rodel Valle ng Golden Star sa Veterans Singles 45-over class kontra Lauro Crisostomo ng La Salle; Philip Uy ng Golden Star at Michael Dalumpines ng Golden Star; habang sa Executive Class, nangibabaw si Engr. Jonathan Zaragoza ng Semicon laban kina Marcos De Jesus ng Golden Star; Steven Rong ng MSP at Hari Poernomo ng Xiom Indonesia.

EDWIN ROLLON