PINALAKAS ng TNT ang front court nito ilang araw bago ang pagbubukas ng PBA Governors’ Cup sa pagkuha kay forward Carl Bryan Cruz mula sa Blackwater kapalit ni journeyman Jay Washington.
Bukod kay Washington, ang No.1 overall pick sa 2005 Draft, tinanggap din ng Bossing ang second picks ng Tropang Giga sa 2022 at 2025 Draft.
Aprubado na sa trade committee ng liga ang deal nitong Biyernes.
Ang paglipat ni Cruz sa TNT ay unang napaulat noong nakaraang linggo subalit si big man Chris Javier ang inisyal na bahagi ng transaksiyon.
Si Cruz, na mahusay sa perimeter, ay kinuha ng Alaska sa 2016 Special Draft.
Naglaro siya para sa Aces hanggang 2019 bago ipinamigay sa Blackwater kapalit ni big man Abu Tratter.
Patuloy sa pagpapalakas ng koponan si Blackwater coach Ariel magmula nang palitan si Nash Racela. Nauna na ring kinuha ng Bossing sina Jvee Casio, bigman Barkley Ebona at Rashwan McCarthy. CLYDE MARIANO