CRYPTOCURRENCY KING, ISA PA NASAKOTE NG CIDG

ISANG lalaki na tinaguriang “cryptocurrency king” na naka panlinlang ng multi million piso sa kanyang mga biktima ang dinakip ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) kahapon ng umaga sa Parañaque City.

Ayon kay Col. Thomas Valmonte, Chief ng Legal Division ng PNP-CIDG, isang dragnet operation ang inilunsad ng kanilang mga operatiba laban sa inireklamong 23- anyos na lalaki na nasa likod umano ng fraud and large scale estafa .

Kinilala ang suspek na si Vance Joshua Tamayo, negosyante at residente ng Talaba Olympia, Makati City.

Bukod sa suspek, dinakip din ng mga awtoridad ang isang Gerome Viñas Laries na tumatayo umanong secretary ni Tamayo na kapwa nahaharap ngayon sa kasong large scale estafa.

Si Tamayo ay itinuturing na cryptocurrency king matapos makapanloko ng milyon-milyong halaga sa kanyang na-enganyong investors.

Lumilitaw na tinitiyak ng suspek na kikita ang kanyang mga investor ng 4.5 percent monthly interes sa mga ininvest sa kanya.

Nasa kustodiya na ngayon ng PNP-CIDG Regional Field Unit (RFU) National Capital Region (NCR) ang 2 habang inihahanda ang mga dokumento sa pagsasampa ng kaso laban sa mga ito.
VERLIN RUIZ