CSB, SAN BEDA NAMAYANI VS FILIPINO PROS SA ASIABASKET

MATIKAS na sinimulan ng College of St. Benilde (CSB) at San Beda-Machateam ang kanilang kampanya sa Sportsclick AsiaBasket International Championship makaraang pataubin ang mga koponan na tinatampukan ng Filipino pros noong Martes sa MABA Stadium sa Kuala Lumpur.

Dinispatsa ng CSB ang Sanzar Pharmaceuticals, 93-80, sa unang laro ng quadruple-header.

Mabilis na lumayo ang CSB sa Sanzar at umabante pa ng hanggang 25 points sa third quarter bago tinapyas ng huli ang kalamangan sa isa sa huli.

Nanguna si Miggy Corteza para sa CSB na may 16 points, 2 rebounds at 2 assists, habang nagdagdag si Alaine Cajucom ng 14 points, 7 rebounds at 1 assist.

Makaraang magpasabog ng 33 points noong Linggo ng gabi laban sa Shawarma Shack Pilipinas, bahagyang nanlamig si Shaq Alanes at nalimitahan lamang sa 4-of-15 field goals, bagama’t pinangunahan pa rin ang Sanzar, na nahulog sa 0-2 sa Group A, sa scoring na may 20points sa likod ng 12-of-14 free throws.

Tumipa si Jeremiah Taladua ng double-double na 16 points at 10 rebounds na may 3 assists at 1 steal, habang nag-ambag si Angelo Obuyes ng 16 markers na may 8boards, 2 dimes at 1 interception.

Samantala, dinurog ng San Beda-Machateam ang BGC sa second half tungo sa 105-82 blowout.

Naresolba ng Red Lions ang dominasyon sa first half nina Tosh Sessay at Mark Doligon at nalimitahan sila sa huling 20 minuto habang na-outscore nila ang Builders, 59-36, sa naturang timeframe upang makalayo

Nanguna si Gab Cometa para sa San Beda-Machateam na may 21points, 1 rebound, 2 assists at 1 steal mula sa bench.

Nagdagdag si Jacob Cortez, anak ni dating Philippine Basketball Association star Mike, ng 19 points, 3 rebounds, 4 assists at 5 steals.