(CSC chief sa gov’t workers) MAGING WAIS SA PAGBA-BUDGET, MAG-INVEST

BINIGYANG-DIIN ni Civil Service Commission (CSC) Chairperson Karlo Nograles ang kahalagahan ng mahusay na pagba-budget kasabay ng paghimok sa mga kapwa niya kawani ng pamahalaan na maging “wais, huwag waldas, mag-ipon at kung may extra ay mag-invest” mula sa kanilang pinaghirapang suweldo.

Ginawa ni Nograles ang pahayag sa idinaos na 5th Financial Education Stakeholders Expo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kamakailan, kung saan ipinabatid din niya ang paglulunsad ng Financial Education Program for Civil Servants, na isang joint initiative ng CSC, BSP, at ng BDO Foundation.

Ayon sa CSC chairperson, ang nasabing programa ay naglalayong mabigyan ng kaalaman at kasanayan ang lahat ng government officials at employees sa larangan ng financial planning, saving, budgeting, debt management, investments, financial scam prevention, consumer protection, at iba pa.

“This will help us achieve our goal of enhancing the well-being of our government workforce through financial literacy, capacitating them with skills and knowledge that allow them to make informed and better decisions on their financial resources,” paliwanag ni Nograles.

“Kailangang maging wais ang ating mga lingkod bayan. Sa hirap ng buhay, hindi puwedeng waldas, mahalaga na may ipon, at kung may extra ay pasukin din ang investments, pero huwag papaloko. Sa pamamagitan ng financial education program na ito, matututo ng marami ang mga kawani ng ating pamahalaan,” aniya.

Paggigiit ni Nograles, higit na mahalaga ngayon ang financial education sapagkat kinakailangan ng lahat na makayanan ang mabigat na epekto sa pang-araw-araw na pamumuhay ng COVID-19 pandemic.

“With this initiative, we hope our civil servants will make better choices about saving, know when and when not to borrow money, learn how to invest and better prepare for retirement, and also to discern how to protect themselves in this time of digital financial transactions or online banking,” dagdag pa ni Nograles. ROMER R. BUTUYAN