CSC SUPORTADO ANG PROGRAMA VS MALNUTRISYON

BINIGYAN-DIIN ni Civil Service Commission (CSC) Chairperson Karlo Nograles na magkakaroon ang bansa ng matatag at malakas na hanay ng mga pampublikong manggagawa sa pamamagitan ng pagsasagawa ng aktibong programa para labanan ang malnutrisyon.

Ginawa ng CSC head ang pahayag kasabay ng pagpapaabot ng buong pagsuporta sa paglulunsad ng Philippine Multi-sectoral Nutrition Project (PMNP), na bahagi ng adhikain ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na matuldukan na ang problema sa malnutrisyon sa bansa.

“Buo ang ating suporta sa layunin ng PMNP na paigtingin ang programang pangkalusugan ng bansa tungo sa pagkakaroon ng malulusog at malalakas na mamamayan na magsisilbing pundasyon ng isang matatag at maunlad na ekonomiya,” sabi ni Nograles.

“The CSC believes that by introducing interventions in primary healthcare, child nutrition, sanitation practices, and education, the PMNP does not only support better health outcomes. It also complements our mandate to promote effective human resources management and, ultimately, paves the way toward creating an efficient and competent government workforce,” dagdag pa niya.

Si Nograles, na nagsilbi ring pinuno ng Task Force on Zero Hunger sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang Cabinet Secretary, ay nagsabing ang naturang three-year project ay resulta ng isang collective effort upang agarang matugunan ang problemang pagkalusugan, lalo na sa hanay ng mga kabataan.

Paggigiit ng Department of Health (DOH), ang PMNP ay kaiba sa ibang maternal health and child nutrition interventions dahil binibigyang-pansin nito ang ilang sanhi ng mababang nutritional status ng mga mamamayang Pilipino, kabilang ang patungkol sa education, livelihood, social welfare, sanitation, at governance.

Layunin, aniya, ng PMNP, na bubuhusan ng multi-billion-peso loan mula sa World Bank (WB), na maihatid ang nutrition-specific at nutrition-sensitive interventions para sa mga ina at batang may edad 5 pababa sa mga komunidad, lalo na yaong may mataas na insidente ng malnutrisyon.

Ang launching at commitment ceremony ng PMNP ay pinangunahan mismo ni Marcos, kasama sina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian; DOH OIC Secretary Dr. Maria Rosario Singh-Vergeire; National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio M. Balisacan; Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin C. Abalos, Jr.; World Bank Country Director Dr. Ndiamé Diop; United Nations Resident Coordinator ad interim Khalid Hassan; BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim, Al Haj; local chief executives sa PMNP areas, at iba pa kamakailan. ROMER R. BUTUYAN