CSC TATANGGAP NA NG APLIKASYON PARA SA MARCH 2023 EXAM

SIMULA sa Disyembre 22 ng taong kasalukuyan hanggang Enero 25, 2023 ay tatanggap na ang Civil Service Commission (CSC) ng aplikasyon para sa mga nais kumuha ng March 26, 2023 Career Service Examination-Pen and Paper Test kapwa para sa Professional at Subprofessional Levels.

Bukod dito, magkakaroon din ang CSC ng ‘special application period’ mula December 14 hanggang December 21, 2022 para sa mga examinee ng nakanselang March 15, 2020 CSE-PPT at nagnanais na kumuha ng naturang examination sa March 26, 2023 sa halip na kunin ang kanilang refund.

Paalaala ng CSC, ang pagtanggap ng applications ay ‘first-come, first-served basis’ kung saan ang bawat CSC Regional o Field Office ay maaaring magpasyang ihinto ang pagtanggap ng aplikasyon kahit bago pa dumating ang itinakdang deadline kapag naabot na nito ang target number ng applicants.

Ayon kay CSC Chairperson Karlo Nograles, inaasahan ang pagkakaroon ng malaking turnout ng examinees para sa susunod na taon at ang CSC ay nagtalaga ng 86 testing centers para sa darating na exam sa Marso.

“Kaya mas marami tayong ma-a-accommodate na examinees at mas maraming pagpipiliang lugar kung saan nila nais kumuha ng exam. Inatasan na natin ang lahat ng ating CSC Regional and Field Offices na maghanda para sa pagdagsa ng mga aplikante simula sa unang araw ng filing, lalo na’t marami pa rin sa ating mga kababayan ang nag-aasam na makakuha ng eligibility at makapagsilbi sa pamahalaan,” sabi pa ni Nograles.

“Pinapayuhan po natin ang lahat ng interested applicants na huwag nang hintayin ang huling linggo o huling araw ng pagpa-file ng application. Ngayon pa lang, maaari na kayong makipag-ugnayan sa ating CSC Regional at Field Offices upang malaman ang mode of filing at procedures na angkop sa kanilang lugar,” dagdag pa ng CSC chief.

Para sa kumpletong detalye ng application requirements at procedures, ang CSE-PPT applicants ay inaabisuhang basahing mabuti ang Examination Announcement No. 11, s. 2022, na naka-post sa CSC website: www.csc.gov.ph. ROMER R. BUTUYAN