KASABAY ng Civil Registration Month ngayong Pebrero ay handog ng Pasay City Local City Registry Office (LCRO) ang libreng serbisyo para sa mga Pasayeño bilang pagpupugay sa buwan ng araw ng mga puso.
Ito ay napag-alaman kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na nagsabing ang libreng pagkuha ng certified true copy (CTC) para sa birth, death at marriage certificate ay magaganap ngayong buong linggo mula Pebrero 13-17.
Ang proyektong ito ay mula sa inisyatibo ng pamahalaang loksl sa pangunguna ni Pasay City LCRO chief Romulo C. Tresvalles.
Kaya’t sa mga nagnanais na makukuha ng libreng kopya ng CTC ng birth, death at marriage certificate sa LCRO ay kailangan lamang na personal na magtungo sa city hall at magprisenta ng proper identification o authorization letter kung hindi sila ang nakapangalan sa dokumento bilang pagtalima sa probisyon ng Republic Act 10173 o Data Privacy Act.
Batay sa ulat, nakapagtala ang LCRO noong 2022 ng 13,328 na civil registry documents; nakapag-isyu ng 1,675 na marriage license; 15,260 ang naitala sa civil registry books at nasa 9,683 ang kanilang na-encode na data at ibang documentation para sa mas mabilis na data verification at retrieval.
Nagbigay din ng accomplishment report ang LCRO sa mga nagawa nitong programa, serbisyo, at proyekto noong nakaraang taon.
“Bilang pakikiisa po sa Civil Registration Month ngayong Pebrero, magbibigay po ang ating lungsod ng libreng certified true copy ng birth, marriage, death certificates sa mga taga-Pasay,” ani Tresvalles.
Kasabay nito, ipinagmalaki rin ni Tresvalles ang kanilang mabilis na serbisyo sa pamamagitan ng mobile registration sa mga barangay at eskwelahan, gayundin ang aktibong paggamit ng social media platform kung saan 24/7 ang pagsagot sa mga katanungan at reklamo ng mga kumukuha ng dokumentasyon sa LCRO. MARIVIC FERNANDEZ