MARAMI sa atin ngayon ang mas pinipiling kumain sa mga lugar kung saan hindi lang tayo bubusugin kung hindi makapagre-relax at matututo rin tayo. ‘Yung tipo ng kainan na wala ka nang hahanapin pa dahil bukod sa masasarap na pagkain ay mayroon ding artistic view at books na aaliw sa iyo habang nagpapahinga.
Kahit napakarami na ngayong mga Fil-Mex restaurant sa bansa, kakaiba pa rin ang ibinibigay na experience ng Cuderno Book Café sa mga taong kumakain at bumibisita rito. Mayroon itong sariling style sa paggawa ng kanilang spicy Mexican at sweet Filipino cuisines na talaga namang babalik-balikan at hindi pagsasawaan. Idagdag pa ang kanilang chill ambiance at mga libro na magugustuhan hindi lang ng mga estudyante kung hindi maging ng mga nakatatanda.
Talaga namang sulit na sulit ang pagpunta rito dahil bukod sa nabusog at nakapag-relax ka na ay makatutulong ka pa. Ito ay sa pamamagitan ng pagdo-donate ng mga libro sa kanilang kapartner na “Books For A Cause” na pinamumunuan ni Ramil Sumangil, na ipinadadala sa mga kabataan sa public schools sa liblib na lugar na wala ng masyadong internet at mga libro.
PERFECT HAVEN
Ang Cuaderno Fil- Mex Book Café ay matatagpuan sa #1013 Estrada Street, Malate, Manila. Ito ay nabuo dahil sa paghahangad ni Chef Anthony Marvin Espino na magkaroon ng sariling restaurant. Ngunit nais ng kaniyang fiancé na si Alexa May Losaria na makapagtayo ng sariling library kaya naman naisipang pagsamahin at itayo ang isang “Book Café” na ngayon ay nasa ikalawang taon na. Si Alexa rin ang tumatayong marketing manager ng nasabing restaurant.
Naging perpekto ang lugar para sa mga estudyanteng nagnanais na makapag-relax gayundin ang mabusog. Papasok pa lamang sa loob ay mamamangha ka na sa Caligraphy arts na nakadisenyo sa pader nito, maging ang Mexican design nito na isang babae na ginawa mismo ng isang estudyante na madalas na kumakain sa lugar.
Bukod sa magandang ambiance ay matutuwa ka rin sa rami ng libro na maaari mong hiramin habang kumakain at namamahinga. Mayroon din silang “free wifi” kaya wala ka nang hahanapin pa. Idagdag pa ang masasarap na Fil- Mex food na inihahain nila.
CUADERNO’S CREATIONS
Umpisahan natin sa kanilang best sellers na sa halagang P99 lamang ay mayroon ka nang “mouthwatering” Mexican Buffalo Wings na sadya namang katakam-takam at iyong babalik-balikan. Maging ang kanilang Butter Garlic Wings, Cayenne Style Wings, Chessy Cheddar Wings at Smokey Hickory Wings ay hindi rin magpapahuli. Idagdag pa ang kanilang bagong creation na sa halagang P180 ay mayroon ka nang tender at juicy Mexican Braised Baby Back Ribs habang nginunguya.
Nariyan din ang kanilang Quesadillas na may mga flavor na Ham and Cheese (P119), Beef and Cheese (P129), at Cheese (100). Mayroon din silang Beef Burrito (139) at Sisig Burrito (129) na meating-meaty.
NACHOS & TACOS
Nachos at Tacos na pang-barkada—ang Nacho Grande (P140), Sisig Nachos (P130), Nacho Fries (149), Crispy Chicken Tacos (P119) at Sisig Tacos (129) na crispy at yummy dagdagan pa ng iba’t ibang sauce flavor nila na cheese, garlic at tomato salsa.
NACHOSILOG
Hindi rin naman pahuhuli ang kanilang silog menus na sa halagang P99 “All Rice Meals na”. Nariyan ang kanilang longganisa, pork sisig, lechon kawali, chili con carne, sweet chili meat balls, chicken adobo at chicken tenders na gawa mismo ni Chef Anthony. May catering at delivery rin ang Cuaderno. AIMEE GRACE ANOC
Comments are closed.