MAY nakalatag na plano si Pangulong Rodrigo Duterte para matupad ang kanyang pangakong limang minutong biyahe mula sa Cubao, Quezon City hanggang sa Makati, ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Sa kasalukuyan, hindi bababa sa isang oras ang travel time sa naturang ruta.
Gayunman, hindi nakapagbigay ng karagdagang detalye si Panelo kung anong konkretong hakbang ang gagawin ng Pangulo.
“[It’s a] surprise. He (Duterte) has something [up] his sleeves,” wika ni Panelo.
Sa isang panayam sa show ni Pastor Apollo Quiboloy na ‘Give Us This Day’ noong Sabado, nangako si Duterte na malaki ang iluluwag ng trapiko sa Manila sa Disyembre.
“You just wait,” anang Pangulo. “Things will improve, maybe God willing, by December it will be smooth sailing.”
“You don‟t have to worry about traffic. Cubao and Makati is just about five minutes away,” dagdag pa niya.
Kasabay nito, umaasa ang Palasyo na pagbibigyan ng susunod na Kongreso ang hirit ng Pangulo na emergency powers para maresolba ang matinding trapik sa Metro Manila.
Ani Panelo, batid ng dalawang kapulungan na ang kalagayan ng mga pasahero ang kanilang dapat na bigyang prayoridad.
Samantala, bumuo na ng inter-agency task force ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para matutukan ang pagresolba sa matagal nang problema sa trapiko sa EDSA.
Ayon kay MMDA Special Operations Group Head Bong Nebrija, magiging katuwang ng MMDA ang PNP Highway Patrol Group, Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa bagong task force sa pangangasiwa ng trapiko mula Cubao hanggang Makati.
Aniya, sa ilalim ng nasabing task force, magkakaroon ng ‘engineering interventions’ ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kung saan magsasagawa ng reblocking kada linggo para magbigay-daan sa mga pagsasaayos ng EDSA.
Comments are closed.