(ni CS SALUD)
MARAMI nga namang putahe ang masarap kapag magkapartner. Kumbaga, mas sumasarap ang isang putahe o pagkain habang mayroon itong ka-partner. At isa nga sa kinahihiligan namin ay ang menudo ka-partner ang cucumber salad. Sa tuwing magluluto sa bahay ng menudo, hindi puwedeng mawala ang cucumber salad.
Kung tutuusin, kapag nagluluto tayo, laging nasa ating isipan ang mga putaheng madali lang lutuin at katakamtakam. Gayundin ang pagiging pasok nito sa budget. At isa nga sa masarap na at simple lang lutuin ang cucumber salad at pork menudo.
CUCUMBER SALAD
Sa paggawa ng cucumber salad, ang mga sangkap na kakailanganin ay ang cucumber (hiwain ng pabilog at maninipis), asin, red onions na hiniwa-hiwa rin ng maninipis, distilled white vinegar o kahit na anong klaseng suka na mayroon kayo, tubig, paminta at asukal.
Paraan ng paggawa:
Hugasang mabuti ang cucumber. Pagkatapos ay hiwain ito ng maninipis at saka lagyan ng asin at hayaan na munang nakababad sa loob ng isang oras. Maaaring balatan ang cucumber pero puwede rin namang hindi.
Pagkalipas ng isang oras ay i-drain na ang cucumber nang matanggal ang liquids. Kapag na-drain na, isama na rito ang hi-niwa-hiwang sibuyas, white vinegar, tubig, paminta at asukal. Haluin. Pagkatapos ay takpan na ito at ilagay sa refrigerator nang lumamig.
Kung gusto namang maging creamy ang cucumber salad, puwede naman itong lagyan ng sour cream.
Ang dami ng bawat sangkap ay depende sa rami ng gagawing cucumber salad.
PORK MENUDO
Para naman sa pork menudo, ang mga kakailanganin sa pagluluto nito ay ang pork, pork cubes, pork liver, potato, hotdog, tomato sauce, carrots, toyo, sibuyas, bawang, tubig, cooking oil, raisins, asin at paminta.
Paraan ng pagluluto:
Simple lang ang pagluluto ng pork menudo. Una, ihanda ang lahat ng mga kakailanganing sangkap. Hugasang mabuti ang baboy at hiwain ito ng pang-menudo. Mayroon din namang nabibiling naka-cut na kung nagmamadali at walang panahong maghiwa ng karne.
Pagkatapos ay hugasan ang carrots at patatas. Balatan ang mga ito saka hiwain ng pa-cube. Magdikdik ng bawang at hiwain ng panggisa ang sibuyas. Pagkatapos ay hiwa-hiwain na rin sa naaayong laki ang hotdog. Gayundin ang pork liver.
Kapag naihanda na ang lahat ay magsalang na ng lutuan. Lagyan ito ng cooking oil at saka simulan na ang paggisa ng bawang at sibuyas.
Kapag medyo naluto na ang bawang at sibuyas ay ilagay na rin ang karne o pork at pork liver. Timpalahan ng asin at pa-minta. Ilagay na rin ang pork cubes.
Kapag lumambot na ang karne at pork liver, isama na ang carrots at patatas. Pakuluin. Pagkakulo, ilagay naman ang hiniwa-hiwang hotdog. Pakuluin ulit. Pagkatapos ay isama na ang toyo, tomato sauce at tubig. Haluin at pakuluin ulit. Panghuling ilagay ang raisins. Pakuluin ulit ito hanggang sa maluto.
Tikman at kapag okay na sa panlasa, puwede na itong ihanda kasama ang Cucumber salad at umuusok pang kanin.
Walang kasinsarap nga naman ang kumain. Kung minsan, habang pinipigil natin ang sariling mapakain ng marami ay mas lalo tayong ginaganahang kumain.
Kapag lutong bahay nga naman, talagang mapakakain tayo ng marami. Mas masarap ding kumain lalo na kapag kasama natin o kasalo ang ating mahal sa buhay. Pero tandaan lang natin na sa kahit na anong klaseng pagkain, kapag sobra ay nakasasama. Kaya’t kumain lang ng tama o naaayon. Kumbaga, huwag sosobra sa pagkain at huwag ding gugutumin ang sarili.
Kaya naman, subukan na ang paggawa ng Cucumber Salad at Pork Menudo nang mag-enjoy at mabusog ang buong pamilya. (photos mula sa google)
Comments are closed.