On a sensory escapade sa kabuuan ng Pilipinas, sinwerte po akong makapag-ikot at matikman ang masasarap na putaheng maa-appreciate mo lamang kung mahilig ka talagang kumain at magluto. Iba-iba ang lasa ng pagkain sa mga isla ng Pilipinas — Luzon, Visayas at Mindanao. Sa Luzon pa lamang, iba-iba na ang pagkain. Sabi nga ng ilan, kung magsisimula ka sa Aparri at magtatapos ka sa Jolo, para ka na ring lumibot sa buong asia.
Huwag nang magtaka kung ang Pilipinas ay masasabing culinary landscape at dynamic playground for spices and flavors, kung saan makakatikim ka ng iba’t ibang putahe na magi-stimulate sa senses at makakapagpainit sa kaluluwa.
Mayroon tayong 18 Rehiyon sa Pilipinas at mayroon namang 82 probinsya. Bawat probinsya ay may kani-kanyang specialty at bawat bayan ay may kani-kanyang version ng nasabing specialty food.
Unahin natin ang Region 1, Ilocos Region. Para sa Ilocos Norte/Sur Food Trip, meron tayong Vigan Longganisa, Ilocos Empanada, Bagnet, Pinakbet, Okoy Tiyosko at Poqui poqui. Marami pang iba ngunit iyan ang mga pinakasikat. Take it from me, dahil Ilocano po ang descent ko.
Sa Region II, hindi kumpleto ang pasyal kung hindi ka nakatikim ng Patupat, Pancit Batil Patung, Sinanta, Pawa, Birut, LSB Buko Pie, Inabraw, Bennek at Bildat. Personally, paborito ko ang Inabraw dahil gulay boy talaga ako at mahilig din ako sa inighaw. Besides, paboritong lutuin iyan ng aking Lolo Maning.
Central Luzon ang Region 3, at ang mga sikat nilang pagkain ay mga kakanin, bututay, tupi, tinumis, sinampalukang manok at mga buro sa pampanga. Sikat ang mga Kapampangan sa husay sa pagluluto, at sila rin ang nakaimbento ng tocino.
Sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) o Region IV-A, ang top dish ay Bulalo. Pinakasikat ang Batangas sa Batangas Lomi, Sinaing na Tulingan at syempre sa Kapeng Barako.
Sa MIMAROPA naman (Mindoro Occidental, Mindoro Oriental, Marinduque, Romblon, at Palawan) top dish ang Ginataang Puso ng Saging. Grabeng sarap, lalo na kung may kasamang tuyong dilis at hipon. Pero masarap din nga pala ang suman nila at ang kilawing oktupus.
Laing naman ang specialty food ng Bicol, ang Region 5. Masarap din ang Bicol Express pero naaanghangan ako Iyon ang kanilang trademark — may gata at sili ang halos lahat ng pagkain nila. Kaya nga ang mga Bicolano raw, puro uragon.
Sa National Capital Region na may 17 siyudad, aba, mayroon ding specialty, syempre. Bukod sa dito mo matatagpuan ang lahat ng specialty ng bawat Regions sa Pilipinas, mayroon silang ipinagmamalaking Pancit Malabon na dinarayo talaga ng lahat.
Mayroon ding specialty food ang Cordillera Administrative Region (CAR). Tikman ang Binungor, isang traditional dish na mas masarap kung Kalinga farmers ang magluluto. Masarap din ang agurong a bissukol (stir-fried water shells) na may labong, kabute, langka at siling labuyo. Marasap din ang pinikpikang manok pero naawa ako sa manok na kailangan pa palang hampasin ng patpat ang buong katawan para magkapasa bago lutuin kaya hindi na ako umulit.
Namit gid sa Western Visayas o Region 6. Wow talaga ang La Paz batchoy, Guimaras mangoes. Chicken inasal, Inubarang manok, Pancit Molo, Chicken binakol, Roxas seafood, at Bandi.
Patatalo ba naman ang Region 7, lalo na ang Cebu. May otap, dried mango, masareal, rosquillos, bibingka, salvaro, ampao, torta, hanging rice (Puso). Sa Negros Oriental naman, may Jam squares, baye-baye, bod-bod kabog, bod-bod Tanjay at “Energy Food”, na kumbinasyon ng ampaw at mga dehydrated fruits. At sa Siquijor, banana fries at tortalitas naman.
Nakahiwalay na rin pala ang NIR (Negros Island Region) na kinikilalang “Sugarbowl of the Philippines” Sa Negros Occidental nanggagaling ang kalahati ng sugar output ng bansa. Ang specialty nila? Chicken Inasal.
May anim na probinsya naman sa Region 8: ang Leyte, Biliran, Samar, Eastern Samar at Northern Samar at anim (6) din ang cities – Tacloban, Ormoc, Calbayog, Maasin, Catbalogan at Borongan. Sikat ang Region 8 dahil sa San Juanico Bridge, ang pinakamahaba at most graceful looking bridge sa Southeast Asia, na kumukunekta sa Leyte at Samar. Pero dahil pagkain ang usapan dito, ang mga ipinagmamalaki nila ay ginataang pating (shark cooked in coconut milk), linabo (shark meat with onions and tomatoes), at humba (slow-cooked pork belly in a savory sauce). May kakanin din silang binagol, pinyato (popped rice), at chocolate moron (chocolate-flavored rice cake).
Food trip din tayo sa Region 9 lalo na kung matitikman mo ang local Tausug favorite na tiula itum. Back soup ito na may luya at luyang dilaw na dapat kainin habang mainit pa. Itim ang kulay nito dahil sinusunog muna ang niyog bago ihalo sa karne ng baka o manok. Tikman din ang Satti.
Sa Region 10 naman, Sinuglaw ang sikat. Ito yung pinagsamang Sinugba at Kinilaw — magkasamang karne ng baboy at isda. Sa kakanin, mayroon silang binaki sa Bukidnon; dodol sa Lanao; at pastel de Camiguín. Halang Halang naman ang ipinagmamalaki ng Misamis Oriental — ginataang manok na may siling labuyo. Pastil ang popular sa Maguindanao, at may sarili namang version nito ang Zamboanga.
Region 11 na tayo at ang food specialty ng Davao kinilaw. Ang Davao kinilaw ay gawa sa sariwang tuna, mackerel, o swordfish, na may kasamang pipino at siling labuyo na ibinabad sa suka. Sikat din ang Davao sa Sinuglaw.
SOCCSKSARGEN (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani at General Santos City ang Region 12 at ang kanilang specialtry food ay nilasing na tilapia ay bakang sinina.
Region 13 ang Caraga Region at sikat sila sa binaga (roasted mudfish) at makopa wine mula sa Agusan del Sur, gayundin sa sayongsong (glutinous rice cake) and poot-poot ginamos (small fish with fermented sauce) mula sa Surigao del Norte at Surigao del Sur. Personally, hindi ko gusto ang macopa wine pero okay lang ang binaga lalo na kung isasawsaw sa toyong may dayap.
Ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) naman ay sikat din sa mga rice delicacies tulad ng duldul, pastil, katilapan, pawa, baolu, tipas, lokot-lokot at iba pang masasarap na pagkain mula sa mga isla.
At dito na nga nagtatapos ang ating culinary journey sa Pilipinas. Kapag natikman mo ang kanilang mga pagkain, iba-ibang lasa ang iyong malalasap, na para bang sa ibang bansa pa nanggaling.
Magastos mamasyal. Napakaswerte ko lamang na sa dati kong trabaho bilang news correspondent na nakatalaga sa Department of Environment and Natural Resources, nakapaglibot ako sa Pilipinas ng libre.
Pero kung walang badyet, marami namang mabibilhan sa Kamaynilaan — try mo lang.
JAYZL VILLAFANIA NEBRE