CURFEW 4 ORAS NA LANG 

Jojo Garcia

INAPROBAHAN na ng mga Metro Manila mayors, maliban sa Navotas City, ang pagpapatupad ng apat na oras na curfew na inaasahang mababawasan pa pagdating ng Disyembre.

Inianunsiyo kahapon ni Metropolitan Manila Development Authority General Manager Jojo Garcia sa ginanap na press briefing na ang bagong curfew hours ng mula alas -12 ng hatinggabi hanggang alas- 4 ng madaling araw ay inaprobahan sa ginanap na pulong  ng 17 alkalde ng National Capital Region kasama ang mga opisyal ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases noong Linggo.

“The mayors gave their suggestions. The first was to adjust the curfew from 12am to 4am. This will happen this week,” sabi ni Garcia.

Kaugnay nito, ang bawat local government unit ay kinakailangang magpasa ng ordinansa sa gagawing adjustment ng kasalukuyang curfew hours na mula alas-10 ng gabi hanggang alas- 5 ng umaga.

Halos lahat ng mga LGU sa buong bansa ay nagpapatupad ng curfew upang malimitahan ang  galaw ng mga tao sa gitna ng  pandemyang dulot ng COVID-19.

Ayon kay Garcia, nag-request si Navotas Mayor Toby Tiangco na panatilihin sa kanilang siyudad ang kasalukuyang curfew mula alas-8 ng gabi hanggang alas- 5 ng umaga upang mapigilan ang mga residente na magpakalat-kalat sa daan o ‘di kaya naman ay nag-iinuman sa labas ng kanilang mga tahanan.

Sinabi pa ni Garcia na pagsapit ng Disyembre 1, ang  Metro Manila mayors ay nagkasundo naman na gawin na lang ang curfew ng alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-4 ng madaling araw upang bigyang daan ang taunang “Misa de Gallo,”isang tradisyon ng Simbahang Katoliko na pagdalo ng siyam na araw na misa mula Disyembre 16 hanggang Disyembre 24. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.