CURFEW, FACE SHIELD AT FACE MASK MAHIGPIT NA IPATUTUPAD

IPATUTUPAD ng lokal na pamahalaan ng Taguig ang curfew sa mga 17 taong gulang pababa gayundin ang paggamit ng face shield at face mask sa pagsakay ng mga indibidwal sa pampublikong transportasyon sa lungsod habang nakapailalim ang Metro Manila sa Alert Level 3 hanggang Enero 31.

Kasabay nito, naglabas din ng Advisory No. 63 ang Taguig Safe City Task Force (TSCTF) na nag-update sa guidelines para sa ilang aktibidad sa lungsod.

Base sa inilabas na advisory ng TSCTF, ang implementasyon ng curfew hours sa kabataan na nasa edad 17 pababa ay mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga.

Ang ‘No Face Mask, No Face Shield, No Ride’ policy ay mahigpit na ipatutupad sa lahat ng uri ng pampublikong transportasyon o shuttle service ng mga empleyado maliban na lamang sa mga motorcycle taxi na hindi na kailangan pang magsuot ng face shield.

Pinapayagan naman ang tricycle operators at drayber nito na magsakay ng dalawang pasahero sa bawat biyahe kung saan ang isang pasahero ay nakaupo sa sidecar habang ang isang pasahero naman ay nakaupo sa likod ng drayber samantalang ang mga back-to-back type tricycles ay papayagan din na makapagsakay ng tatlong pasahero sa bawat biyahe nito.

Para sa mga pampasaherong jeep, bus at UV Express ay papayagan ang mga ito na makapag-operate ng hanggang 70 porsiyento lamang ng kapasidad ng kanilang sasakyan hindi kasama sa bilang ang drayber at kondoktor.

Kabilang din sa inilabas na advisory ang pagpapakita ng vaccination card ng mga indibidwal na fully vaccinated na gustong makapasok sa mga indoor areas tulad ng mga malls at mga kahalintulad nito.

Sa mga nabakunahan sa Taguig ay ipakita lamang ang kanilang Taguig Vaccination Card o Digital Vaccine Health Pass at para naman sa mga hindi nabakunahan sa lungsod ay kailangang magpakita ng vaccination certificate at kanilang valid government-issued ID na mayroong litrato at address. MARIVIC
FERNANDEZ