CURFEW GAWING 10PM-4AM

HINILING ng transport at commuter group na Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) na gawin na lamang hanggang alas-4 ng umaga ang curfew bunsod ng maraming pasahero ang maagang pumapasok.

Ito ang apela ni LCSP Founder Atty. Ariel Inton kasunod ng pagsasailalim muli sa 10pm hanggang 5am curfew hours ang Metro Manila.

Ani Inton, lubhang apektado rito ang mga pumapasok sa trabaho na alas-4 ng umaga pa lang na kailangan ng mag-abang ng masasakyan dahil sa hirap ng pagsakay.

“Kung mamarapatin po sana ng mga mayors ng NCR na gawin na lamang hanggang 4am ang curfew para sa mga pasahero na maaga ang pasok sa kanilang trabaho,” mariing apela ni Inton.

Nakikita ng LCSP na ang isang oras ay hindi pagmumulan ng maraming hawaan at bagkus ay malaking bagay ito dahil hindi maiipon sa lansangan at magkakasabay sabay ang mga pasahero sa lansangan.

“Oo at maari naman na ma-exempt sila kung may ID o pass pero abala pa yan sa pagsisita ng mga kapulisan,” wika ni Inton.

Mungkahi rin ng LCSP na maengganyo na mag -carpooling ang mga tao.

“At kung mag-aambag man sa panggasolina ang mga isasakay ng mga nagmamagandang loob ay huwag naman hulihin na nangongolorum,” saad pa ni Inton.

“Marami ang tunay nga d’yan na colorum na hindi mahuli-huli dahil sa may timbre at nagbibigay sa ilang swapang at corrupt na enforcers,” dagdag pa ni Inton. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.