MATAPOS na paikliin ang curfew hours ng ilang lungsod sa Metro Manila, mahigpit naman na ipinag utos kahapon ni JTF COVID Shield commander Lt. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar na mas paigting pa ang pagpapatupad nito sa buong bansa.
“Curfew must be enforced regardless of the existing community quarantine status. Containing the unnecessary movement and gathering of people even within a community is part of the general medical solution against COVID-19 since what we are after is the prevention of the spread of this deadly virus,” giit ni Eleazar.
Kaugnay nito, sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police (PNP) ay inatasan ng Joint Task Force COVID Shield ang lahat ng police commanders na tulungan ang mga Local Government Units (LGU) sa mahigpit at epektibong implementasyon ng curfew sa kani-kanilang Areas of Responsibility (AORs) partikular sa National Capital Region (NCR) na kung saan umiiral ang metrowide curfew dahil sa high cases ng coronavirus disease (COVID-19).
Nauna nang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng National Task Force on COVID-19 na pinamumunuan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ilagay ang Metro Manila, Bulacan, Batangas, kasama ang Tacloban at Bacolod sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) hanggang September 30.
Kaugnay nito, nagkasundo ang Metro Manila Mayors na paikliin ang kanilang curfew period para sa muling pagpapasigla ng ekonomiya.
Gayunpaman, sinabi ni Eleazar na baguhin man nila o hindi, paikliin man o hindi ang curfew hours ay dapat na tiyakin ng mga police commanders na maipatutupad ng mahigpit ang curfew at sumunod ang tao sa quarantine protocols.
“We should all join forces and act as one for it is only through unity and a synchronized action from the national government down to the barangay level that we will have a good chance of expediting the flattening of the curve by the end of this month that was projected by the experts,” diin ni Eleazar.
Sinasabing dahil sa pinaikling oras ng curfew, magkakaroon ng mas mahabang oras ang mga residente ng Metro Manila na i-operate ang kanilang mga negosyo.
Kinumpirma ng Malakanyang na mula sa 8PM to 5AM na curfew ay gagawin na itong 10PM to 5AM na siyang ipatutupad sa Metro Manila.
Ipatutupad ito ng mga lokal na pamahalaan sa buong Metro Manila maliban sa Muntinlupa City dahil sa ipinasa nitong ordinansa na nagpapairal ng curfew hours mula 10PM to 4AM at sa Navotas City naman na 8PM to 5AM pa rin. VERLIN RUIZ
Comments are closed.