TINANGGAL na ng Navotas ang curfew nito para sa mga adult kasunod ng ipinapatupad na general community quarantine alert level 2 sa Metro Manila.
Ito ay makaraang lagdaan ang City Ordinance No. 2021-56 na nagpapawalang bisa sa 12:00 MN – 4:00 AM curfew sa lungsod, alinsunod din sa Metro Manila Development Authority (MMDA) Resolution No. 21-25 Series of 2021.
“Now that more businesses are open and operational hours of malls, restaurants and other establishments are extended, we need to make the necessary changes to support our working constituents,” saad ni Mayor Toby Tiangco.
Gayunpaman, muling ipinatupad ng Navotas ang 10:00 PM – 4:00 AM discipline hours para sa mga menor de edad sa bisa ng City Ordinance No. 2021-60 at may kaukulang parusa sa mga lalabag sa disciplinary hours.
Sa una at ikalawang beses na pagkasala, kailangang dumalo sa counseling sessions ng mga miyembro ng Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) at ang kanilang mga magulang o guardians ay kailangang kumpletuhin ang 24 at 48 oras na community service.
Para sa ikatlo at kasunod na mga paglabag, ang menor de edad ay ibibigay sa Social Services Development Department (SSDD) para sa kinakailangang pagpapayo at tamang disposisyon.
Sa kaso ng mga menor de edad na nakatira sa ibang mga lungsod, gagawin din ang pagpapayo bago ibigay sa kani-kanilang BCPC o SSDD. EVELYN GARCIA