INAASAHANG magtatala ang Pilipinas ng mas malaking deficit sa current account ngayong taon dahil sa lumalaking trade gap, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa datos na ipinalabas ng central bank, ang current account ay posibleng magposte ng deficit na $3.1 billion ngayong 2018, kumpara sa $2.5 billion noong nakaraang taon.
“This mainly reflects the projected wider trade deficit as growth in goods imports largely outpaces exports growth,” wika ng BSP.
Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na lumobo ang trade deficit ng mahigit sa 130 percent noong Abril.
Ang shipments ng imported goods ay inaasahang lalo pang tataas ngayong taon kasunod ng momentum sa fourth quarter ng 2017.
“It is expected to grow robustly by 11.0 percent, slightly increased from the December 2017 projection of 10.0 percent,” anang BSP.
Ang foreign direct investments ay inaasahan namang aabot sa $9.2 billion para sa buong taon, mas mababa sa $10.049 billion net inflows noong 2017.
Pagdating sa balance of payments, inaasahan ng BSP ang $1.5 billion deficit mula sa naunang pagtaya na $1 billion.
Sinabi pa ng central bank na ang gross international reserves position ay inaasahang maitatala sa $80 billion para sa taon, mula sa $81.5 billion hanggang noong katapusan ng Disyembre 2017.