CURRY BINITBIT ANG WARRIORS SA PANALO VS SPURS

NAGPAKAWALA si Stephen Curry ng pitong 3-pointers upang tampukan ang game-high, 35-point performance at pinalakas ng Golden State Warriors ang kanilang tsansa na umusad sa NBA in-season tournament sa 118-112 panalo laban sa bisitang San Antonio Spurs Biyernes ng gabi sa San Francisco.

Nag-ambag si Dario Saric ng 20 points mula sa bench para sa Warriors (2-1) na tumabla sa Minnesota Timberwolves (2-1) sa second place sa West Group C. Nakatakda ang showdown ng Warriors sa first-place Sacramento Kings (3-0) sa California capital sa Martes.

Tumapos si Victor Wembanyama na may 22 points, 9 rebounds at 2 blocks para sa Spurs (0-4), na nakumpleto na ang tournament schedule.

Nasa kanyang unang regular-season appearance sa San Francisco, nagtala si Wembanyama ng nine early points at umabante ang Spurs ng hanggang 10 sa first quarter bago namayani ang hosts sa huling tatlong periods.

Suns 110,

Grizzlies 89

Umiskor si Devin Booker ng season-high 40 points upang pangunahan ang bisitang  Phoenix Suns sa 110-89 panalo kontra  Memphis Grizzlies.

Nagtala si Booker ng 15 of 21 shots mula sa floor at nagdagdag ng 5 rebounds, 4 assists at 4 steals.

Kumabig si Eric Gordon ng 20 points para sa Suns na nalusutan ang pagliban nina Kevin Durant (right foot soreness) at Bradley Beal (low back strain) upang makopo ang kanilang ika-6 na sunod na panalo sa kabuuan at ika-5 sunod sa road.

Nagdagdag sina Grayson Allen at Jordan Goodwin ng 14 points para sa Phoenix, na bumuslo ng 52.0 percent mula sa floor at umiskor ng huling 14 points ng second quarter upang kunin ang 62-49 kalamangan sa halftime.

Tumipa si Memphis’ Santi Aldama ng 21 points, at gumawa si Derrick Rose ng 17 points sa 8-for-9 shooting mula sa floor.

Magic 113,

Celtics 96

Nadominahan ng Orlando Magic ang second half at nahila ang kanilang winning streak sa anim na laro nang pataubin ang bisitang Boston Celtics.

Na-outscore ng Orlando ang Boston, 65-40, sa huling dalawang quarters at umangat sa 3-1 sa East Group C.

Ang  tournament record ng Boston sa group stage ay nahulog sa 2-1. Ang group champion ay malalaman sa mga laro sa Martes.

Mula sa bench ay umiskor si Mo Wagner ng game-high 27 points para sa Orlando, na nanalo sa kanilang huling apat na  home games. Nagdagdag si Paolo Banchero ng 23 points, 8 rebounds at 5 assists para sa Magic.

Nanguna si Jayson Tatum para sa Boston na may 26 points, 5 rebounds, 3 assists at 2 steals. Bumuslo ang Celtics ng 24.1 percent mula sa 3-point range (7 of 29).

Naglaro ang Boston na wala si guard Jrue Holiday, na lumiban dahil sa right ankle sprain. Si Holiday ay may average na 12.3 points, 7.4 rebounds at 4.9 assists sa 15 games ngayong  season.