CURRY BINUHAT ANG TEAM LEBRON VS TEAM DURANT

NAGPAKAWALA si Stephen Curry ng 50 points at nagtala ng All-Star Game record na 16 3-point baskets upang bitbitin ang Team LeBron sa 163-160 panalo laban sa Team Durant Linggo ng gabi sa Cleveland.

Binura ni Curry ang dating All-Star record na siyam na 3-pointers, na naitala ni by Paul George noong 2016. Kinapos ang Golden State Warriors star ng dalawang puntos para mapantayan ang scoring record ni Anthony Davis noong 2017 subalit naiuwi pa rin ang MVP honors sa kanyang impresibong performance.

Nagbuhos si Joel Embiid ng Philadelphia 76ers ng 36 points at kumalawit ng 10 rebounds upang pangunahan ang Team Durant.

Isinalpak ni LeBron James ng Los Angeles Lakers ang game-ending shot upang maabot ang target score at bigyan ang Team LeBron ng panalo.

Nagdagdag sinGiannis Antetokounmpo ng Milwaukee Bucks ng 30 points at 12 rebounds para sa Team LeBron.  Umiskor si James ng 24 points sa paglalaro sa kanyang ika-18 All-Star Game, kulang na lamang ng isa sa record ni Kareem Abdul-Jabbar.

Kumubra si Devin Booker ng Phoenix Suns ng 20 points para sa Team Durant.

Natapos ang third quarter na tangan ng Team Durant ang 139-138 kalamangan. Itinakda nito ang target winning score sa 163 kung saan nagdagdag ang NBA ng 24 points sa leading total makalipas ang tatlong quarters. Ito ang ikatlong sunod na taon na naging bahagi ng laro ang formula.

Ang ika-16 na 3-pointer ni Curry ay nagbigay sa Team LeBron ng 144-139 bentahe. Kasunod nito ay isang three-point play ni Embiid ang naglapit sa Team Durant sa 151-150 at pagkatapos ay ipinasok niya ang dalawang free throws upang bigyan ang kanyang koponan ng one-point lead.

Kumana si Antetokounmpo ng back-to-back baskets, nagdagdag sj James ng isang layup at isinalpak ni DeMar DeRozan ng Chicago Bulls ang isang turnaround upang bigyan ang Team LeBron ng 161-155 lead. Umiskor si Chicago Bulls guard Zach LaVine ng limang sunod na puntos para sa Team Durant bago naipasok ni James ang 17-foot fadeaway jumper na nagbigay sa kanyang koponan ng kinakailangang 163 points.