NAKALIKOM si Stephen Curry ng 27 points, 9 assists at 7 rebounds upang tulungan ang bisitang Golden State Warriors na hilahin ang kanilang winning streak sa limang laro sa 118-112 panalo laban sa Boston Celtics noong Miyerkoles.
Naghabol ang Warriors ng pito sa kalagitnaan ng fourth quarter subalit bumanat ng 16-4 run upang kunin ang 104-99 kalamangan, may 2:30 ang nalalabi sa layup ni Curry.
Lumapit ang Boston sa 115-112 nang isalpak ni Payton Prichard ang tatlong free throws, may 16 segundo ang nalalabi, subalit sinelyuhan ng Warriors ang panalo sa pagbuslo ng 3 of 4 sa foul line.
Naipasok ng Golden State, umangat sa 5-0 sa road, ang 12 sa 13 free-throw attempts nito sa final quarter.
Nagdagdag sina Buddy Hield at Andrew Wiggins ng tig-16 points para sa Golden State.
Umiskor si Jayson Tatum ng game-high 32 points para sa Celtics, na naputol ang three-game winning streak. Si Tatum ang leading scorer sa pito sa siyam na laro ng Boston.
Gumawa si Derrick White ng pitong 3-pointers at nagdagdag ng 26 points, habang tumapos si Pritchard na may 16 points.
Ang Warriors ay nanalo sa pito sa kanilang walong laro, na pinakamagandang simula ng koponan sa isang season magmula nang manalo sila ng 11 sa kanilang unang 12 games noong 2021-22.
Ang Celtics ay naglaro na wala si forward Jaylen Brown dahil sa hip flexor strain. Si Brown ay may average na 25.7 points at 7.2 rebounds per game ngayong season.
Grizzlies 131, Lakers 114
Umiskor si Ja Morant ng 20 points bago lumisan sa laro sa third quarter dahil sa injury at nag-ambag din sina Jaren Jackson Jr. at Jaylen Wells ng 20 upang pangunahan ang Memphis Grizzlies sa panalo kontra bisitang Los Angeles Lakers.
Nagbuhos si LeBron James ng 39 points upang pamunuan ang Lakers, na naglaro na wala si injured big man Anthony Davis, ang NBA’s leading scorer sa 32.6 points per game. Nagdagdag si Austin Reaves ng 19 para sa Los Angeles, na natalo sa ika-4 na pagkakataon sa limang laro.
Ang Memphis ay tinulungan ng kanilang mainit na long-range shooting. Naipasok ng Grizzlies ang 17 sa 34 3-pointers, kabilang ang 12 of 16 sa second half.
Bumagsak si Morant sa huling 3:45 ng third quarter habang nagtatangka sa left-handed dunk. Nagtungo siya sa locker room at hindi na bumalik. Sa huli ay na-diagnose siya na may right hamstring injury.
Mavericks 119, Bulls 99
Nagposte si Luka Doncic ng 27 points at 13 assists upang pangunahan ang host Dallas Mavericks laban sa cold-shooting Chicago Bulls.
Sinamantala ng Mavericks ang mahinang transition defense ng Chicago, umiskor ng 21 fastbreak points, at lumamang ng hanggang 30.
Ang Bulls, naglaro na wala si All-Star Zach LaVine (adductor strain), ay bumuslo lamang ng 41.9 percent mula sa floor at 12-of-42 (28.6 percent) mula sa three-point range.
Nalasap ng Chicago ang ikatlong sunod na kabiguan.
Cavaliers 131, Pelicans 122
Kumabig si Donovan Mitchell ng 29 points at naitala ng bisitang Cleveland Cavaliers ang record para sa pinakamagandang simula sa franchise history sa 9-0 makaraang gapiin ang New Orleans Pelicans.
Pinangunahan ni Mitchell ang balanced attack kung saan anim na players ang umiskor sa double digits — kabilang sina Jarrett Allen (16 points at 14 rebounds) at Caris LeVert (16 points mula sa bench).
Sinimulan ng 1976-77 Cavaliers ang kanilang season sa 8-0.
Nagbuhos si Zion Williamson ng 29 points upang pangunahan ang Pelicans, habang nagdagdag sina Jose Alvarado ng 27 at Brandon Ingram ng 20.