CUSTOMER SERVICE IMPROVEMENT TIPS NANG KUMITA NG MAS MALAKI ANG ISANG NEGOSYO

CUSTOMER SERVICE

(NI CT SARIGUMBA)

ASAM ng bawat isa sa atin na kumita ng mas malaki ang negosyong itinayo. Pero hindi lamang presyo at kalidad ang tini­tingnan o pinagbabatayan ng isang customer para tangkilikin ang isang negosyo—produkto man iyan o serbisyo. Bukod sa mga nabanggit, isa pa sa pinagtutuunan ng pansin kung paano makisama ang mga empleyado sa kanilang kliyente o customer.

Kumbaga, bawat customer ay nagnanais ding magkaroon ng kasiguraduhan na may makakausap sila tungkol sa mga concern nila tungkol sa isang produkto o serbisyo. Iyong taong makakausap nila ng maayos at aaksiyunan ang kung ano mang problema o sagutin ang mga tanong nila.

Sa isang negosyo, napakahalagang marunong makisama ang isang empleyado sa kanilang customer.

Kaya naman, narito ang ilang customer service improvement tips na maaaring subukan nang kumita ng malaki ang isang negosyo:

PAKINGGAN ANG CUSTOMER

Unang-una, dapat ay matutong makinig ng isang empleyado o negos­yante sa kanyang customer. Marami ring maitutulong na suggestion ang isang kliyente kaya’t mainam na pakinggan ang mga ito.

Maging open kumbaga sa mga suggestion—maganda man iyan o hindi. Pag-isipan at pag-aralan ding mabuti ang suhestiyon ng kliyente.

PAHALAGAHAN ANG BAWAT CUSTOMER

May mga empleyado na dahil na rin sa pagod, kung minsan ay hindi na nila napakikitunguhan ng mabuti ang kanilang customer. Isa na nga rito ay ang mga mall. May ilan na pabarang o tila walang kagana-ganang sumagot kapag tinatanong ng customer.

Oo, hindi naman maiwasang makaramdam ng kapaguran ang isang empleyado lalo na kung maghapon na siyang nagtatrabaho. Gayunpaman, matu-tunan pa rin ang pakikipag-usap at pakikitungo ng maayos sabihin mang stress ka na, sob­rang pagod o maraming problemang kinahaharap.

AKSIYUNAN ANG PROBLEMA

Sa isang negosyo, hindi naman nawawala ang problema lalo na sa mga kliyente o customer. May ilan na, hindi kontento sa produkto o serbisyong ibinibigay.

Kailangang maging handa tayo sa pagsubok o mga problemang kakaharapin natin upang mapalago ang isang negos­yo. Mahalaga ring may nakalaan tayong plano sa mga posibleng problemang dumating sa isang negosyo.

SANAYIN ANG MGA EMPLEYADO

Importante ring sinasanay ang mga empleyado kung paano makiki­pag-usap sa mga kliyente lalo na sa mga panahong may problema o mayroong nagrereklamo. May mga kliyente pa namang bigla-biglang nagagalit at sumisigaw.

Sa mga ganoong pagkakataon, dapat ay may kaalaman ang isang empleyado kung paano kakausapin o haharapin ang mga ganoong pagkakataon.

MATUTONG MAKIPAG-USAP SA MGA CUSTOMER

Makatutulong din upang magkaroon ng maraming kliyente kung makikipag-usap ka sa mga ito. Isa sa magandang strategy ay ang pagkuha ng loob ng isang kliyente nang balik-balikan nito ang iyong produkto o serbisyo.

MAGING PRESENTABLE SA ANO MANG PANAHON AT PAGKAKATAON

Bukod sa pakikipag-usap ng maayos at pakikitungo ng maganda sa kliyente, makatutulong din ang pagiging presentable o maayos na kabuuan.

Kaya naman, siguraduhing presentable ang bawat empleyado sa ano mang panahon at pagkakataon. Kung presentable ang bawat empleyado, hindi mahihiyang lumapit o magtanong ang mga customer.

NGUMITI AT IWASAN ANG PAGSIMANGOT

Importente rin ang pagngiti sa mga customer. Mas maganda at mada­ling lapitan din kasi ang isang empleyado kung nakangiti ito.

Kaya naman, sanayin ang mga empleyado sa pagngiti sabihin mang pagod na sila o may dinadalang problema.

Mainam din kung hindi dadalhin sa trabaho ang problemang kinakaharap.

IPARAMDAM SA CUSTOMER NA MAHALAGA SILA

Panghuli sa tips na ibabahagi namin sa inyo ay ang pagpaparamdam sa bawat customer na pinahahalagahan ninyo sila. Sa ganitong paraan ay magi-ging palagay ang loob nila sa inyo at baba­lik-balikan nila ang inyong serbisyo o produkto.

Makatutulong din ito upang lalo pang dumami ang tumangkilik sa inyong negosyo.

Maraming paraan kung paano natin mapalalaki ang kita ng ating negosyo. Kaya naman, subukan na ang mga nakalista sa itaas. Mag-isip din ng iba pang strategy o kaya naman, magtanong-tanong sa mga kakilala at kaibigan ng mga maaaring gawin upang mapalago ang sinimulang negosyo.

Tandaan din ang pagiging positibo sa kabila ng problema. (photos mula sa keeping.com, freepik.com, olivelearning.com)

Comments are closed.