BABALASAHIN ni newly appointed Bureau of Customs (BOC) Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang mga opisyal ng BOC.
Ito ang sinabi ni Guerrero matapos niyang makausap si Pangulong Rodrigo Duterte sa 117th Anniversary ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon kay Guerrero, susundin lamang niya ang mga ipinagbilin ng Pangulo upang matiyak ang pagsusulong ng pagbabago sa BOC.
Tiniyak din ni Guerrero na kaniyang panghahawakan ang utos ni Pangulong Duterte na gawin lamang ang kaniyang trabaho.
Si Guerrero ang itinalaga ng Punong ehekutibo bilang kapalit ni dating Customs Commissioner Isidro Lapeña na ngayo’y inilipat sa TESDA.
Kaugnay nito, kinatigan ni House Speaker Gloria Arroyo ang desisyon ni Pangulong Duterte na ilipat sa TESDA si dating Customs Commissioner Isidro Lapeña.
Naniniwala si Speaker GMA na alam at sigurado si Pangulong Duterte sa naging desisyon.
Ayon kay Arroyo, siguradong maraming bagay na ikinonsidera si Pangulong Duterte bago naisapinal ang kanyang desisyong gawing TESDA Director General si Lapeña.
Pabor din si GMA sa pagtatalaga ng Pangulo sa mga dating opisyal ng militar sa mga kritikal na sibilyang posisyon sa gobyerno.
Dagdag pa nito, mga magagaling na sundalo naman ang napili ni Pangulong Duterte kaya advantage na maituturing ang pagtatalaga sa mga ito sa civilian positions. CONDE BATAC