INIREKOMENDA ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariffs Act (CMTA) laban sa Customs broker na si Mark Taguba at iba pa na may kaugnayan sa P6.4-bilyong shabu shipment mula sa China.
Batay sa 26-pahinang resolusyon ni Assistant State Prosecutor Charlie Guhit, na nagsagawa ng preliminary investigation sa kasong inihain ng Bureau of Customs (BOC), bukod kay Taguba, sinampahan din ng kaparehas na kaso sina Eirene Mae Tatad, Teejay Marcellana, Chen Ju Long alyas “Richard Tan,” “Richard Chen”; Fidel Anoche Dee, Chen I. Min, Jhu Ming Jyun, Li Guang Feng alyas “Manny Li”; Dong Yi Shen alyas “Kenneth Dong”; at iba pang John at Jane Does.
Sila ay inaakusahan nang paglabag sa Section 1400 (misdeclaration, misclassifaction, undervaluation in goods declaration) at Section 1401 (unlawful importation and exportation) ng CMTA.
Sa ginanap na preliminary investigation sa DOJ, nadiskubre na ang mga nakuhang ebidensiya ay sumusuporta sa kasong isinampa laban sa kanila kung saan interesado ang mga respondent na madala sa bansa ang container na naglalaman ng ilegal na droga.
Ibinasura rin ng DOJ ang pahayag ng mga respondent na hindi nila alam na ang shipment ay may kasamang ilegal na droga.
“Respondents’ defense that they were not aware that the shipment they received contained dangerous drugs deserves scant consideration. What matters is that they committed act/s which has a vital connection to the chain of conspiracy, that without such act, the unlawful importation would be unsuccessful,” nakasaad sa resolusyon.
Nag-ugat ang pagsasampa ng kaso matapos na madiskubre ang shabu shipment na Hong Fei Logistics warehouse sa Valenzuela noong Mayo 26, 2017. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.