DISMAYADO ang mga Customs broker sa Port of Manila (POM) sa bagong patakaran na pinaiiral ni District Collector Arsenia Ilagan.
Ayon sa isang customs broker na ayaw ipabanggit ang pangalan, taliwas sa anti-red tape program ni Pangulong Rodrigo Duterte upang masugpo ang korupsiyon sa mga ahensiya ng pamahalaan ang patakaran na ipinatutupad ni Ilagan dahil sa halip na pagtuunan ng pansin ang kanyang mga tauhan, ang mga Customs broker umano ang pinahihirapan nito.
Partikular niyang tinukoy ang submission ng entry ng kanilang mga kargamento kung saan sa halip na idirekta ito sa mga examiner o sa mga principal appraiser, pinadadaan muna ito sa information desk sa Gate 3 ng Bureau of Customs (BOC) bago makarating sa taong gagawa nito.
Dahil dito ay umaabot umano sa dalawa hanggang tatlong araw bago makarating ang entry sa section chief o Customs examiner, na siya ring itinuturong dahilan sa pagkakaantala ng kanilang mga kargamento
Sinabi naman ng isa pang Customs broker na ang isang pang nagpapahirap sa kanila ay ang ipinatutupad na National Value Verification System (NVVS) ng Port of Manila na ginagamit na basehan sa pagbabayad ng bawat container na umaabot ng P170 sa 20 footer at P250 naman sa 40- footer container van.
Aniya, dahil dito ay nagugutom ang kanilang mga pamilya dahil ang kanilang kikitain ay napupunta lamang sa mataas na bayad sa bawat container sanhi ng naturang NVVS.
“Kapag hindi nagbago ang sistema ay malaki ang posibilidad na bumaba ang koleksiyon ng Bureau of Customs at maaring maapektuhan ang eknomiya ng bansa,” babala ng mga Customs broker. FROILAN MORALLOS
Comments are closed.