TAGUMPAY ang isinagawang 2nd Customs Integrity Perception Survey (CIPS) ng Bureau of Customs (BOC), sa pakikipagtulungan ng World Customs Organization (WCO) sa pamamagitan ng Accelerate Trade Facilitation Programme at ang kanilang partner consultant, PricewaterhouseCoopers.
Ang inisyatibang ito na suportado ng Revenue and Customs ng United Kingdom ay naglalayong suriin ang integrity perceptions ng internal at external stakeholders ng ahensya.
Ang survey ay binubuo ng dalawang set ng mga tanong: isa para sa mga empleyado ng BOC at isa pa para sa mga pribadong sektor na stakeholders.
Ang mga tanong ay idinisenyo upang tumugma sa mga makabagong pamamalakad ng customs administration na nakatuon sa sampung pangunahing salik na nakaaapekto sa integridad ng customs administration: Leadership and Commitment, Regulatory Framework, Transparency, Automation, Reform and Modernization, Audit and Investigation, Code of Conduct, Human Resource Management, Morale and Organizational Culture at Relationship with the Private Sector.
Ang survey ay isinagawa mula Oktubre 7 hanggang 18, online at onsite sa Manila International Container Port, Ninoy Aquino International Airport, Port of Clark at Port of Manila.
Ang Planning and Policy Research Division at External Affairs Office kasama ang mga kinatawan ng mga pantalan, ang nagpadaloy ng proseso sa loob ng ahensya.
“This initiative is a testament to the Bureau’s commitment to fostering transparency and integrity across all levels. The results will allow us to strengthen our programs and ensure that the BOC remains trusted and efficient.”
Kabuuang 1,598 empleyado ng BOC at 780 kinatawan mula sa pribadong sektor ang lumahok sa survey na nagbigay ng mahahalagang pananaw na gagamitin sa mga susunod na inisyatiba para mapahusay ang integridad sa loob ng ahensya.
Ang mga resulta ng survey ay gagamitin upang palawakin ang anti-korapsyon at mga programa sa integridad ng BOC na naaayon sa mga internasyonal na pamantayan at upang palakasin ang kasalukuyang pagsusumikap ng ahensya sa pagpapabuti ng mga serbisyo para sa mga stakeholders.
RUBEN FUENTES