CUTTING PERMIT SA 3K PUNO

Rep Francisco Jose Matugas II

MULING ipatatawag para sa isang oversight hearing ng House Committee on Natural Resources ang ilang opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) hinggil sa kuwestiyunableng pag-iisyu nito ng permit para sa pagputol ng may 3,000 puno na nasa bahagi ng Angat Dam, sa lalawigan ng Bulacan.

Ayon kay 1st. Surigao del Norte Rep. Francisco Jose Matugas II, vice-chairman ng nasabing komite, hindi pa rin sila kumbinsido at marami pang dapat na ipaliwanag ang DENR bunsod nang inisyu nitong ‘cutting permit’.

Nauna rito, isiniwalat ni Atty. Jesus Santos, founding chairman ng National Association of Lawyers for Justice and Peace, na noong 2016 ay inaaprubahan ang permit para sa paputol ng 26,000 puno sa paligid ng Angat Dam.

Subalit dugtong ng abo­gado, kalaunan ay ibinaba na lamang sa 3,000 ang bilang ng mga puno na papayagang putulin sa nabanggit na lugar.

Kinuwestyon din niya kung bakit ang mga pinutol na  puno ay nanatiling nakaimbak sa compound ng Hanjin Heavy Industries, gayung tumigil na ito ng kanilang operasyon sa Filipinas.

Tugon naman ni DENR Assistant Regional Director Arthur Salazar, ang pagpuputol sa mga puno ay bahagi ng ‘retrofitting project’ ng Angat Hydropower Corporation.

Subalit sa kabuuan ay 1,041 lamang ang pinutol na mga puno habang nasa 230 ang isinailalim sa “balling” o binunot at inilipat o muling itinanim sa ibang lugar.

Dahil sa kawalan ng sapat na lugar o espasyo ng kanilang tanggapan, sinabi ni Salazar na sa compound na lang muna ng Hanjin nila inipon ang mga pinutol na puno.

Sa panig ni Rolly Molato, ng Region 3 CENRO, ginawa ang pagpuputol ng mga puno para makagawa ng ‘source’ sa gagamiting ‘aggregates’ ng Hanjin sa ginawa nitong rehabilitasyon ng ilang dike ng Angat Dam.

Kinumpirma niyang hindi umabot sa 3,000 ang mga naputol na puno sa Angat Dam area, na bahagi ng kanyang ‘area of responsibility’.

Giit ni Molato, buo ang suporta at pakikipagtulungan ng DENR sa imbestigasyon na ito na isinasagawa ng lower house.

Dagdag niya, hindi rin mangingimi ang liderato ng DENR na sampahan hindi lamang ng kasong admin-istratibo kundi maging ng kriminal ang sinumang opisyal o tauhan ng kanilang ahensiya na mapatutunayang nagkasala para mapatawan ng kaukulang parusa.   ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.