BULACAN – ARESTADO ang isang babae sa entrapment operation ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa harap ng Barasoain Church sa Malolos City.
Sa report na ipinadala ni Master Sgt Jayson Dela Cruz kay Provincial Officer P/ Lt.Col. Mark April Young, kinilala ang suspek na si Mary Jane Manahan, 27-anyos, ng Brgy. Santiago, Malolos City.
Modus ng suspek ang magpakilala na supplier ng cellphone, gamit ang kanyang FB account, na may ibang profile picture.
Nabatid na pinapangakuan niya ang mga biktima na ipadadala ang kanilang mga order, kapalit ng kalahating down payment via remittances, subalit natuklasan na wala pala talaga itong units ng cellphone.
Bukod dito nireretoke rin nito ang mga resibo ng mga remittances.
Nadakip ang suspek sa reklamo ni Leonard Nicodemus, 31-anyos, ng Brgy. Tabang Guiguinto, Bulacan na una nang natangayan ng P20,000.
Ayon sa suspek naging biktima rin siya ng scam, at ginaya lang niya kung paano ito ginagawa.
Aniya, hindi naman siya araw-araw nang i-scam, ginagawa lamang niya ito tuwing magigipit siya sa pera at pagkatapos ay isang buwan niyang isasara ang kanyang Facebook account, gayunman humingi na raw siya ng paumanhin sa kanyang mga naging biktima sa pamamagitan ng group chat ng kanyang asawa. THONY ARCENAL