PUMIRMA ng isang kasunduan ang Bureau of Immigration (BI) sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) upang magtayo ng isang cybercrime hubs.
Sa pagpirma ng kasunduan sa CICC, sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na ang paglalagay ng cybercrime hubs sa mga pangunahing Paliparan at sa punong tanggapan ng BI ay upang makatulong hinggil sa mga kaso ng online fraud at cybercrime.
Ang CICC ay ang lead coordinating agency ng pamahalaan sa pagpigil ng cybercrimes. Dumalo rin sa pirmahan si Executive Director Alexander Ramos sa seremonya sa nasabing ahensiya.
Sa nasabing kasunduan, ang BI ang magbibigay ng tulong para sa imbestigasyon ng cybercrime at fraud na nauugnay sa mga dayuhan.
“This invaluable partnership between government agencies is a major step towards eliminating cybercrime in the country,” ayon kay Tansingco.
Dagdag pa ni Tansingco na ang mga dayuhan na masasasangkot sa cybercrimes ay hindi makakatakas sa kanilang pananagutan at agarang ipapa-deport at isasama sa blacklist ng ahensya. FROILAN MORALLOS/PAUL ROLDAN